Abante Tonite Interactive

5 Chinese na-gang rape ng 6 na kababayan

308

Isang babaeng Chinese ang naghain ng reklamo sa Makati City Police nitong Martes laban sa anim na lalaking kababayan na halinhinan umanong gumahasa sa kanya at sa apat pa niyang kaibigan matapos silang dukutin at dalhin sa isang condominium noong Setyembre 9.

Halos dalawang buwan na sinarili lamang ng dalagang Chinese national ang kababuyang sinapit nila sa anim na kababayan hanggang sa hindi na rin ito nakatiis at nagpas­yang isumbong na sa mga awtoridad ang nangyari sa kanila.

Batay sa reklamo ng 24-anyos na biktimang itinago sa pangalang ‘Lucy’, na nagtatrabaho bilang isang waitress sa isang Chinese resto sa Parañaque, kasama niyang naglala­kad ang apat pang kababayang biktima, noong Setyembre 9 ng alas-tres nang madaling-araw sa bisinidad ng Okada Manila Resort & Casino nang bigla silang harangin ng anim na kababayan.

Naunahan na umano sila ng takot nang paligiran ng mga suspek at puwersahang isinakay sa isang van.

Aniya, dinala sila ng mga suspek sa isang condominium sa Makati City at doon halinhinang ginahasa.

Nakawala lamang umano sila sa mga suspek nang sabay-sabay na umalis ang mga ito sa nasabing lugar.

Labis ang takot ng biktima dahil nagbanta umano ang mga suspek na may mangyayaring masama sa kanila kapag nagsumbong sa mga awtoridad kaya’t ipinasya nilang manahimik at sarilinin na lamang ang kahayupang dinanas sa kamay ng kanilang mga kababayan.

Aniya, laging nagbabalik sa kanyang alaala ang kahayupang dinanas sa kamay ng mga kababayan na nagpasasa nang husto sa kanyang pagkababae kaya’t naglakas-loob na siyang magsumbong sa pulisya.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nasakote ang isa sa mga suspek na kinilalang si Xiao Ming Wei, nasa hustong gulang.
Inaresto si Xiao sa tinutuluyan nitong maliit na hotel sa Legaspi Village, Makati. Tinutugis ang lima pa niyang kasamahan.

Ayon naman kay PSMS Joann Baldos ng Makati Police-Women and Children’s Protection, kasong forcible abduction at rape ang isinampa sa piskalya laban kay Xiao at sa nakakalaya pang mga suspek. (Armida Rico)