Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Chinese noodles, alak kapalit sa huling isda ng mga Pinoy

0 132

Nilantad ng isang mangingisda na lumalapit sa West Philippine Sea ang ginagawang panggigipit sa kanila ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard tuwing sila ay may magandang huli.

Sa radio program ni Vice President Leni Robredo, kinuwento ni Ernie Egana, residente ng Masinloc, Zambales, ang ginagawa ng mga Tsino na nagpapatrolya noon sa Panatag Shoal sa kanilang mga isda.

“Tuwing madaling-araw, umaakyat po sila sa bangka namin, hinahalungkat nila ang isdang huli namin. Tapos, lahat ng magagandang isda, kinukuha nila. Pagkatapos, palitan na lang po nila ng isang Maggi (noodles) at isang boteng alak,” sambit ni Egana.

Sinubukan umano nila itong ipagbigay-alam sa kanilang alkalde ngunit tila nabalewala raw ang kanilang sumbong.

Hinarangan din umano ng mga barko ng Chinese Coast Guard ang pagpasok nila sa parte na maraming isda.

“Humina na po ang kuha naming isda kung nasa labas kami manisid. Malakas po ang agos bago maalon, ‘di po kami nakakapormang mangisda sa labas,” lahad pa ng mangingisdang Pinoy.

Hindi na rin umano sila makapagreklamo sa mga Chinese national dahil sa takot, lalo’t ang kanilang sinasakyang bangka ay gawa lang sa kahoy. (Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.