Abante Tonite Interactive

Chinese-only food park sa Las Piñas pinasara

546

Ipinatigil ang operasyon ng isang Chinese food plaza sa Las Piñas City makaraan makitaan ng iba’t ibang paglabag nang magsagawa ng sorpresang inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI).

Una nang kumalat sa social media ang isyu ng nasabing Chinese food plaza na tanging mga Chinese national lamang ang puwedeng kumain. Pero sa inspeksyon na ginawa ng ahensya ibang paglabag ang nadiskubre.

Bagama’t pinagbilhan ang hindi nagpakilalang tauhan ng DTI, nakita umano na nakasulat sa Chinese character ang resibo at menu ng mga tindahan.

Maging ang maruming mantika ng mga stall ay direktang itinatapon sa creek na malapit sa food plaza.

Napuna rin umano ni Trade Secretary Ramon Lopez na agad nagpulasan ang ilang tauhang Chinese national sa food plaza nang makita na ang mga nakauniporme nilang tauhan.

Dahil dito, ipinagbigay-alam na ni Lopez sa Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration ang mga kahina-hinalang empleyado para sa imbestigasyon. (Armida Rico)