Abante Tonite Interactive

Chinese POGO foreign prosti ang gusto

0 508

Nabunyag ang diumano’y talamak na prostitusyon ng mga dayuhang babae sa mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).

Ito’y matapos salakayin ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOU) nitong Miyerkoles nang gabi ang isang unit sa Avida Condominium Tower 2 sa Malugay St., Brgy. San Antonio, Makati City, na ginagawa umanong prostitution den.

Sa ginawang pagsalakay, dalawang babaeng Chinese national na nagsisilbing bugaw ang naaresto habang anim na babaeng Vietnamese national ang na-rescue ng mga awtoridad.

Nakakulong na ngayon sa detention cell ng Makati City Police ang dalawang Chinese na sina Kuang Meiting, 29, at Li Xuemei, 33.

Base sa ulat, kasama ng mga operatiba ng NCRPO-RSOU ang mga tauhan ng Women and Children Protection Division-Regional Investigation and Detective Management Division at Makati City Police sa ikinasang anti-trafficking at rescue operation dakong alas-10:00 nang gabi.

Ayon kay NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, isinagawa ang police operation matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang tipster hinggil sa talamak na prostitusyon na kinasasangkutan ng mga foreign national sa sinalakay na lugar.

“Itong pagdami ng mga foreigners ay dapat na natse-check natin upang hindi magkaroon ng mga iba pang krimen na nangyayari lalo na kung ito ay involving the victimization of women, not necessarily na mga Pilipina pero gayon din naman ng mga foreigners na dinadala dito para maging sex slaves,” ayon kay Eleazar.

Batay umano sa imbestigasyon, isinasagawa ang prostitution activity sa pamamagitan ng social media at messaging kung saan hinihimok ang mga kliyente ng sexual service mula sa mga babaeng Vietnamese, Chinese, at Malaysian national.

May kuwarto rin umano sa loob ng condo unit na nagsisilbing ‘show-up room’ kung saan puwedeng makapamili ang mga kliyente ng babaeng nais nilang makuha ang ‘serbisyo’. Puwede rin umanong magrenta ang kliyente ng isang kuwarto sa loob ng condo unit upang doon makipagtalik sa makukursunadahan nilang babae.

Sabi ni Eleazar, umaabot sa P9,500 ang binabayad ng bawat kostumer para sa isang babae at ang renta naman sa kuwarto ay nasa P4,500.

Nabatid pa na ang mga babaeng Vietnamese ay pumasok sa bansa bilang mga turista pero ang pakay talaga ay pumasok sa prostitusyon.

Makikipag-ugnayan umano ang NCRPO sa Vietnamese embassy para maibalik sa kanilang bansa ang mga babaeng Vietnamese.

Narekober ng mga pulis mula sa sinalakay na condo unit ang isang laptop, mga cellphone at sangkatutak na promotional card at condom.

Ang mga promotional card ay pinamimigay umano sa mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga POGO at may QC code ito na kapag in-scan ay makakasali na sa group chat at dito makikita ang mga babaeng inaalok sa prostitusyon.

Sasampahan ang dalawang naarestong Chinese national ng paglabag sa Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 habang ang anim na Vietnamese ay dadalhin muna sa Department of Social Welfare and Development. (Armida Rico)