Abante Tonite Interactive

Chinese trader, 2 anak niratrat

342

Patay ang isang negosyanteng Chinese habang sugatan ang dalawa nitong anak matapos tambangan ng hindi pa kilalang mga suspek kamakalawa nang gabi sa Mandaue City, Cebu.

Kinilala ang nasawing biktima na nagtamo ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na si Yi Feng Guo Yang, 51. Sugatan naman ang anak nitong sina Ginabelle, 16, at Stephen, na nakaratay ngayon sa isang pribadong ospital.

Mabilis namang tumakas ang apat na suspek na lulan ng dalawang motorsiklo.
Ayon kay Police Major Mercy Villaro, taga­pagsalita ng Mandaue City PNP, naganap ang insidente pasado alas-9:00 nang gabi habang pauwi ng bahay ang mga biktima lulan ng Toyota L300 na van.

Nabatid na bigla na lang sinabayan ng dalawang motorsiklo lulan ang mga suspek at paulanan ng bala ang mag-aamang nasa van at pagkatapos ay mabilis ding nagsitakas.

Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima subalit patay na nang idating ang matandang Yi Feng habang ang dalawa nitong anak ay patuloy na ginagamot.

Nakakuha ang pulisya ng mga basyo ng bala ng kalibre .45 at 9mm na kalibre ng baril sa crime scene.

Isa sa tinitingnang motibo ng krimen ay may kinalaman sa away sa negosyo. (Edwin Balasa)