Abante Tonite Interactive

Chinese tumalon sa building dahil sa LQ

0 254

Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang Chinese national nang tangkain nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-apat na palapag ng isang gusali matapos umano silang magtampuhan ng kanyang nobyang Pinay kahapon nang madaling-araw.

Nakaratay ngayon sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Yang, 20, binata, empleyado ng isang online gaming customer service, tubong Jiling Province China at pansamantalang naninirahan sa Airport Road, Baclaran.

Ayon kay P/Col. Rogelio Rosales Jr., hepe ng Parañaque City Police, alas-5:10 ng madaling-araw nang tumalon ang biktima mula sa ika-4 na palapag ng Pearl Plaza Building, Brgy. Tambo sa naturang lungsod.

Masuwerte namang nakaligtas sa bingit ng kamatayan ang biktima dahil bumagsak ito sa bubong ng yero ng isang bahay.

Agad naman naisugod sa nasabing pagamutan ang biktima matapos magtamo ng pinsala sa cervical spine at bali sa magkabilang binti.

Sinabi ni Rosales na bago ang insidente ay nagkaroon muna nang pagtatalo ang biktima at nobya nitong Pinay (hindi na binanggit ang pangalan) na nauwi sa tampuhan.

Labis namang dinamdam ng biktima ang pag-aaway nila ng kasintahan na naging dahilan ng tangka nitong pagpapakamatay.

Iniimbestigahan naman ng pulisya at inaalam kung may foul play sa insidente. (Armida Rico)