Abante Tonite Interactive

Chiz may pruweba sa dinoktor na 2016 elections

7,923

KINUMPIRMA ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na may hawak siyang record na maaring magpatunay ng ‘discrepancies’ sa resulta ng halalan noong 2016.

Ayon kay Escudero,  may isang dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang nagbigay sa kanya ng records na maraming ‘back up’ SD memory card na ginamit noong 2016 elections ay hindi “mirror image” ng orihinal na memory card.

“I have records to show that the backup is not a mirror image of the main CD. A lot of them,” pagsisiwalat ni Escudero sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System.

Dahil dito, kuwestiyon ni Escudero sa Comelec kung nabilang ang lahat ng naging boto noon.

Tumanggi pa ang senador na pangalanan ang testigo subalit tiniyak na ihaharap ito sa susunod na pagdinig.

“Actually may print out kami nakuha pero mas maganda manggaling sa testigo mismo na nagsasabi na hindi mirror image ‘yung back up drive nung main drive,” giit pa nito.

Ayon kay Escudero, malaking tanong sa Comelec kung ilang back up files at memory cards na ginamit noong eleksyon ang hindi magkatugma at kung ang dami nito ay maaring nakaapekto sa resulta at kredibilidad ng nagdaang eleksyon.

“Kung hindi sya accurate picture or carbon copy ng main drive, eh ‘di magi-iba ang resulta to a certain degree. To what extent? Hindi ko alam at kung hanggang saan hindi pa rin namin masabi sa ngayon,” dagdag pa ng mambabatas.