Abante Tonite Interactive

Chokoleit pinagtripan sa burol

0 431

tonite-pak-allan-dionesUnang gabi pa lang ng lamay ni Chokoleit nu’ng Lunes ay dagsa na agad ang mga taga-showbiz na nagmamahal sa kanya.

Naabutan namin du’n ang malalapit na kaibigan niyang sina Vice Ganda, Pokwang, K Brosas at Pooh na nagtatakutan pa at panay ang biruan bago pumasok sa pinagbuburulan kay Chokie.

Kahit nu’ng nandu’n na silang apat sa may ataul ni Chokoleit at sinisipat-sipat ang itsura nito ay panay pa rin ang kulitan at lokohan ng mga ito.

Siguradong ang saya ni Chokie nu’ng gabing ‘yon dahil nandu’n agad ang closest friends niya, na kagaya niya ay ang lalakas ding mang-asar at mang-okray kaya pinagtitripan pa rin siya kahit nasa kabaong na siya.

Siyempre, deep inside ay nagluluksa lalo na sina Pokie at K, pero lumalabas pa rin ang pagiging komedyante at maloko ng mga ito mereseng nagdadalamhati.

Si John ‘Sweet’ Lapus ang isa sa aligaga sa pag-aasikaso roon. Siya ang nagpa-makeup kay Chokie kay Mickey See at siya rin ang nag-asikaso nu’ng ipinasuot na white suit kay Choks na gawa ni Bing Cristobal.

Pati ‘yung itsura ni Chokoleit ay medyo ipinaayos nila nu’ng magrelaks na ang facial muscles nito dahil nang atakehin ay kita sa mukha ni Chokie ‘yung sakit at hirap na naranasan nito sa paninikip ng dibdib.

Pinalitan nila ‘yung naunang malaking picture ni Chokoleit sa may tabi ng casket ng paborito nitong framed pic na nakakorona ito at reyna-reynahan ang peg.

MNR o Mahal na Reyna ang taguri ng mga ba­ding kay Jonathan Aguilar Garcia a.k.a. Chokoleit.

Ang nakapaskil doon sa may labas ng pinagbuburulan kay Chokie ay “June 25, 1970-March 9, 2019” so ibig sabihin ay 48-anyos ang pumanaw na komedyante at hindi 46.

Ang sabi ni Sweet ay bukas, Huwebes, ang last night ng wake ni Chokie, so pinaghahanda niya ng production number ang mga bakla.

May kaliitan ang napili nilang punerarya sa may Marcos Highway (malapit lang sa APT Studios ng “Eat Bulaga”), so hindi namin alam kung paano makakapag-prod number doon ang mga beks bukas sa eulogy.

Nag-request tuloy si Sweet na huwag nang ipagsabi kung saan ang burol para huwag itong masyadong dagsain dahil masikip ‘yung lugar. Mahirap na raw ang makuyog.

Kaya lang, feeling namin ay marami talaga ang gustong makasilip kay Chokoleit kahit sa huling sandali, eh. Sa dami ng mga pinatawa at pinasaya niya through the years ay mukhang dadagsa talaga roon ang mga nagmamahal sa kanya.

Nakakatuwa dahil ang mga kaibigan ni Chokie ang punong-abala roon sa lamay at parang wala nang kailangang gawin pa ang mga kamag-anak niya.

Feeling nga rin namin, marami sa mga kaibigan niya ang nagpresinta na sila na ang bahala sa lahat ng gastusin dahil sa sobrang pagmamahal nila kay Chokoleit.

Ilan pa sa mga dumating agad doon nu’ng Monday night ay sina Agot Isidro, Ryza Cenon, Ara Mina, Shaina Magdayao, Ryan Bang at marami pang mga kapuwa komedyante na kasamahan at katrabaho ni Chokie sa comedy bars.
***

Bianca umiwas sa isyu kay Ruru

Nagbabalik ang BiGuel love team nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix sa bagong epic drama ng GMA na “Sahaya.”

Dream come true para sa 19-anyos na si Bianca ang magbida sa malaking teleserye na ito na tungkol sa isang babaeng Badjaw.

Ani Bianca, lahat ng kailangang gawin at lahat ng preparations nila para rito ay napakahirap. ‘Yung katutubong sayaw nila ni Miguel sa umpisa ng mediacon the other night ay mukha lang daw madali, pero masakit ito sa katawan at matagal nilang inaral.

Nag-training din sila ng free diving o pagsisid sa dagat na walang gear dahil pareho silang may underwater scenes dito.

In short, lahat ay hindi madali pero napakasaya raw ni Bianca dahil very challenging ang lahat ng past roles niya na minahal niya lahat at lagi siyang meron binibigay, pero bilang si Sahaya ay iba raw talaga siya at ibang level ng effort at commitment ang ibinigay niya para rito.

Si Miguel na may mga pa-topless na eksena at ito ang pinaka-mature na role nito so far, pero nagustuhan agad ito ng 20-anyos na binata nang i-offer sa kanya because it’s about raising awareness daw tungkol sa mga kapatid nating Badjaw.

Sey ni Miguel, kaya ganu’n ang suot niya ay dahil ‘yun ang suot ng mga Badjaw ‘pag na­ngingisda. Lahat daw ay ginagawa nila para tama at accurate ang mga ipapakita nila sa seryeng ito.

Thankful at masaya si Miguel na magkapareha ulit sila ni Bianca. Wala raw masyadong adjustment dahil sobrang palagay na sila sa isa’t isa ni Bianca. Swak sila hindi lang personally kundi professionally rin. Kumbaga, in sync daw talaga silang dalawa.

After ng open forum sa “Sahaya” mediacon ay hindi na ipinainterbyu sa press ang BiGuel, kaya hindi namin nausisa si Bianca tungkol sa balitang relasyon nila ni Ruru Madrid.

Obviously ay may gustong iwasang isyu kaya wala nang chikahan pa with the two lead stars.

Sa March 18 ang simula ng “Sahaya” sa GMA Telebabad pagkatapos ng “Kara Mia” at kapalit ng nagtapos ng “Onanay.”