Abante Tonite Interactive

Chop-chop victim lumutang sa Pasig River

296

Kalunos-lunos ang itsura ng naaagnas nang bangkay ng tao na natagpuan sa Pasig River kamakalawa nang hapon dahil mistula itong manikin na pinutol ang isang binti gayundin ang mga daliri sa kamay at paa saka tinanggalan pa ng laman-loob.

Batay sa nakalap na ulat mula sa Eastern Police District, nakita ang bangkay bandang alas-kuwatro nang hapon nitong Huwebes malapit sa G. Salonga St., Brgy. Bagong Ilog ng mga batang nagla­laro malapit sa Pasig River.

Akala umano ng mga bata na manikin ang nakitang lumulutang sa ilog pero nang kanilang lapitan ito ay doon nadiskubreng bangkay pala ng tao kaya nagtakbuhan ang mga bata at isinumbong sa barangay.

Agad na ini-report ng barangay sa Police Community Precinct 10 ang nakitang bangkay at mabilis namang rumesponde ang mga pulis.

Ayon kay Inspector Abraham Satorre, nang kanilang siyasatin ang bangkay ay halos hindi na ito makilala dahil nasa stage of decomposition na o halos nabubulok na.

Hindi rin makita kung ano ang kasa­rian ng bangkay. (Vick Aquino)