Abante Tonite Interactive

chop-chop victim sinilid sa maleta

395

Palaisipan pa din sa San Jose del Monte (SJDM) City police ang pagkakakilanlan ng isang lalaking pinagputol-putol ang katawan saka sinilid sa maleta bago itinapon kasama ang mga basura sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay San Manuel, SJDM City, Bulacan kahapon ng umaga.

Sa report ni Police Lt. Col. Orlando Castilo Jr., SJDM City police chief, blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan ng chop-chop victim.

Sa inisyal na imbestigasyon, itinapon ang maletang nakasilid ang pira-pirasong katawan dakong alas-5:30 kahapon ng madaling-araw ngunit hindi naplakahan ang sasakyang nagbaba ng naturang maleta.

Dakong alas-7:30 ng umaga nang kunin ang basura kasama ang maleta ng Sidewalk Clearing Operation Group ng SJDM City at nang nasa truck na ang maleta ay dito na tumanbad ang pira-pirasong bahagi ng katawan ng lalaki kabilang ang mga braso at hita.

Kaagad nila itong ipinagbigay-alam sa pulisya at sinuri ng Bulacan Scene of the Crime Operatives ang pira-pirasong katawan ng biktima na walang naiwang pagkakakilanlan.

Hindi inaalis na pinatay ang biktima sa ibang lugar at sa nasabing lugar lamang itinapon para iligaw ang mga imbestigador. (Jun Borlongan)