Abante Tonite Interactive

Chris Brown inaabangan ang bagong album ni Rihanna

292

Pinapaupahan ni Rihanna ang kanyang Los Angeles mansion ng $35,000 bawat buwan matapos mabigong maibenta ito sa tumataginting na $7.5 million.

Ang trenta y uno anyos na mang-aawit ay madalang nang manatili sa kanyang tatlong palapag na ari-arian sa Los Angeles.

Inamin niyang naninirahan na siya sa London simula pa noong nakaraang taon.
Puspusan naman ang ginagawa niyang pagpapakita sa napakagandang mansyon para makakuha ng bagong uupa.

Ang mga bagong mangu-ngupahan ay tiyak na masisiyahan at makakaranas ng Barbadian’s taste na kaginhawahan. Mayroong anim na silid at walong banyo ang isang napakalawak na 7,130 square feet na mansyon.

Samantala, pinag-uusapan din ngayon ang isang ulat tungkol sa ex-boyfriend ni Rihanna na si Chris Brown. Ayon sa isang insider ay sabik nang mapakinggan ang malapit nang ilabas na album ni Rihanna! Sa kabila ng lahat ng nangyari sa pagitan ng dalawa, isang source ang nagbunyag na hanggang sa ngayon ay nagpapakita pa rin ng malaking interes at pagpapahalaga ang R&B and pop s­inger sa mga awitin ng kanyang ex-girlfriend.

Kinumpirma ni Rihanna na kasalukuyang niyang tinatapos ang isang Reggae album pero kung kailan ito ilalabas at ang titulo ng album ay hindi pa niya puwedeng ipabahagi. Hindi lang ang kanyang mga tapat na tagasuporta ang nag-aabang sa paglabas ng kanyang bagong proyekto kundi pati ang kanyang ex-boyfriend.

“Chris thinks Rihanna is the artist of her generation and he can’t wait to hear what she has coming down the line. Just like everyone else, Chris is eagerly awaiting new music from Ri because she inspires him and is a measuring stick for his own work,” pagbubunyag ng taong malapit kay Chris. (Lourdes Fabian)