Abante Tonite Interactive

Christian Community Ministry, bagong hulog ng langit?

By
0 228

Sino ba ang makakalimot sa yumaong si dating Manila Congressman Mark Jimenez na binansagang ‘Hulog ng Langit’ dahil sa mga programa niyang libreng natamasa hindi lang ng mga taga-Maynila kundi maging sa ibang panig ng bansa? Libreng tocino, libreng manok. libreng binyagan na kompleto pati damit ng bata at venue ng handaan? Natatandaan n’yo ba ito?

Naulit ngayon ang sinasabing pagbaha ng biyaya sa tinaguriang Queen City of the South, ang Ge­neral Santos City, kung saan ay isang samahan na tinawag na Christian Community Ministry ang tumutulong sa mga mahihirap para uma­ngat ang buhay.

Ang Christian Community Mi­nistry ay hindi lamang nakasentro sa pagtuturo ng kahalagahan ng relihiyon kundi misyon din nitong tumulong sa mga nangangailangan. Bi­nuo ito sa pamamagitan ng pana­nampalataya sa sangkatauhan at pagkakapatiran.

Tulad ng ibang relihiyon, kumakalap din ng donasyon ang Community Ministry pero ibinabalik naman nito sa kanilang mga miyembro ang dapat nilang maging bahagi sa ibinigay na donasyon.

Inilalagak ng CCM ang mga tinatanggap na donasyon sa mga lehi­timong negosyo tulad ng Tuna fi­shing, industriya ng pagmimina, shipping lines, gasoline station at iba pang negosyo hindi lamang sa Gensan kundi sa buong bansa.

Sabi nga ng samahan, sinusunod lang nila ang turo ng Banal Na Bibliya kung saan ay nakasaad sa Hebrews Kapitulo 13 Bersikulo 16 na “Datapuwa’t ang paggawa ng mabuti at ang pag-abuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka’t sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.”

Pinanindigan din ng community ministry ang pagiging ‘hulog ng langit’ sa sangkatauhan dahil noong nakaraang taon ay pinangunahan nito ang programang ‘Balik-Pamahalaan’ kung saan ay may 3,000 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Davao at Saranggani ang nagbalik-loob, hindi lang sa pamahalaan kundi sa Diyos bilang mga miyembro ng Christian Catholic Ministry.

Isa sa kanila ang dating nagtitinda lang ng uling para ikabuhay ng kanyang pamilya. Ang sabi niya, itinadhana na may nakita siyang kaibigan na siyang umakay sa kanya sa CCM. Ngayon, mayroon na siyang sariling bahay sasakyan na ginagamit niya sa kanyang hanapbuhay.

Giit pa niya, hindi networking ang CCM, isa itong kapatiran na handang umalalay sa nangangailangan at kalaunan ay ka-partner sa pag-unlad.

Sabi nga, wala namang mawawala kung susubukan dahil ang lahat ay nasa patnubay ng ating Pa­nginoon.