Abante Tonite Interactive

Chronic Plastic mananagot sa Canada basura – Palasyo

0 261

Hindi pa rin lusot sa pananagutan ang importer ng mga basurang dinala sa bansa mula sa Canada.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hahabulin ng Malacañang ang importer na nagdala sa bansa ng mga basura mula sa Canada kung saan ang iba sa mga ito ay itinambak sa ilang bayan sa Tarlac at sa Zambales.

Paiimbestigahan aniya ng Malacañang ang mga nasa likod ng mga basurang dinala sa Pilipinas at aalamin kung ano ang mga nagawang paglabag ng mga ito sa batas.

Hindi rin aniya palulusutin ang importer sa mga multa na maaaring ipataw ng gobyerno dahil sa perwisyong idinulot ng mga nagdala ng basura sa Pilipinas.

“Paimbestigahan natin kung ano yung violations nila. Lahat ng penalties ipapataw natin sa kanila,” ani Panelo.

Ang mga basura na naglalaman ng mga plastic bottle, plastic bag, diyaryo, at mga gamit na adult diaper ay dinala ng Chronic Plastics Incorporated, isang export company na nakabase sa Canada at ang consignee nito sa Pilipinas ay ang Live Green Enterprise, subalit hindi ito kinuha sa pier.
Sa kasalukuyan ay nasa Tarlac, Subic Port at Manila Container Port ang mga basura. (Aileen Taliping)