Abante Tonite Interactive

Chua sinalba ang Phoenix

222

Isang driving shot ni Justin Chua sa natitirang 9.8 segundo ang nagligtas sa Phoenix Fuel Masters kontra Alaska Aces 78-76 sa second game ng 2019 PBA Commissioner’s Cup elimination round kagabi sa Araneta Coliseum.

Magkabuhol sa iskor na 76-all, nag-cut sa gitna si Chua na binigyan ng pasa ni Allex Mallari at isinalpak ang undergoal stab para tapusin ng Fuel Masters ang tatlong sunod na kabiguan at ilista ang ikalawang panalo sa limang asignatura.

Itinanghal na best player ng aksiyon si Mallari sa kinulektang 15 points sa likod ng perpektong 3-for-3 sa three point range.

May tsansa pa sanang maagaw ng Alaska ang laro subalit sablay ang buzzer-beating trey ni Kevin Racal sa corner.

Umahon ang Fuel Masters mula sa limang puntos na pagkakaiwan sa ikaapat na yugto bago sinandigan si Mallari sa pitong sunod nitong puntos.

Hindi naglayo ang dalawang koponan sa kabuuan ng laro at lubhang naging mahigpitan ang labanan kung saan hindi umangat sa pinakamataas na pitong puntos ang abante ng Phoenix habang tatlo lamang ang itinala ng Alaska na pinakamalaki nitong kalamangan sa tatlong puntos. (Lito Oredo)