Abante Tonite Interactive

Chynna at Kean, ikakasal sa simbahan sa Nov. 2017!

By
14

SUNUD-SUNOD na photoshoot pictures nina Chynna Ortaleza at Kean Cipriano ang pinost ng dalawa sa kanilang Instagram account.

Marami ang nagku-congratulate sa parehong postings nila.

Kaya in-assume na nga na prenuptial shoot ang ginawang ‘yun ng Nice Print Photography kina Kean at Chynna na base sa kanilang mga personalidad, may pagka-artsy fartsy.

Sa mga hindi nakakaalam, ang passion nilang pareho pagdating sa arts ang naging daan ng pagiging malapit nila sa isa’t isa noon. It’s one interest that they both shared even as a couple and parents to their one year old baby girl, Stellar.

Nakausap namin si Chynna at ikakasal nga sila ni Kean ngayong November 2017. Simple at intimate church wedding lang daw ang gusto nila na mostly, family and very close friends lang din ang makakasama.

Eh, knowing Chynna for the longest time, alam namin na ganito lang talaga ang mga gusto niya pagdating sa events. Something simple and intimate.

Sa totoo lang, hindi namin nakalimutan ang kuwentuhan namin ni Chynna noong bago pa sila magpakasal ni Kean sa civil. Yes, kasal na sila sa civil noong 2015 pa.

Pero noong time na ‘yun, talagang parang exclusive lang sa parehong immediate fa­mily nila ang naging civil wedding nila.

Knowing Chynna nga, sigurado kaming okey na sa kanya ang naturang kasal. Pero it was Kean talaga who wanted to give Chynna a church wedding kahit noong 2015 pa. Pero si Chynna mismo ang nagsabi na mag-civil muna sila para hindi stressful.

At heto nga, after two years, mu­ling pakakasalan ni Kean ang Mommy ng kanyang anak sa isang church wedding. At ang cute for sure na si Stellar ay flower­ girl na. Sa mga post nila, may pa-hashtag silang #tilldeathwedoart.

Kasabay ng wedding preparation nila, abala naman si Chynna sa dalawa niyang shows sa GMA 7. Ang Idol sa Kusina kunsaan, siya na ang co-host ni Chef Boy Logro at papasok na rin siya sa afternoon prime na Ika-6 Na Utos bilang si Maui.

Carmina, hindi pa Kapuso

NILINAW ni Carmina Villarroel nang makausap namin sa launching ng pamilya Legazpi bilang family endorser ng Citi Drug na hindi siya nagbabalik Kapuso.

Ang siste kasi, since si Zoren Legaspi ay mapapanood na nga sa Ika-6 Na Utos at may isa pa raw show at si Carmina naman, kasama ang buong pamil­ya niya ay napanood na sa episode ng Road Trip, then heto’t mapapanood din siya sa primetime fantasy-action na Super Ma’am, sinasabing lumipat na nga siyang muli ng network.

Pero ayon kay Carmina, “May show lang akong ginagawa, guest lang ako sa Super Ma’am. I think si Zoren, he’s doing two shows in GMA. Pero alam niyo naman ‘yan, paganu’n-ganu’n lang din.”

Sa parte naman daw niya, hindi naman daw kasi siya under contract ng kahit na anong networks kaya pupuwede naman siyang lumabas kahit saan.

“Per project naman kasi ako. So sa ngayon lang na parang may guesting ako sa Super Ma’am, nag-guest din ako sa ibang GMA shows.”

Kung sakali at aalukin siya ng teleserye o ibang programa ng GMA 7, open naman siya?
“Oo, puwede. Ako naman kahit saan, puwede. Wala naman akong bad blood kahit sa anong station.”

Although sa nga­yon daw, wala rin talaga siyang bagong show pa sa Kapamilya network naman.

Gabby sa ARH

NABANGGIT ni Dingdong Dantes na marami ang posibleng mag-guest o mapadaan sa kanilang primetime series na Alyas Robin Hood.

 At mukhang simula kagabi, ang isa sa masasabing pinakamalapit na kaibigan ni Dingdong ang mapapanood na kasama niya, si Gabby Eigenmann.

Given na si Paolo Contis na kasama na ni Dingdong noong una pa lang umere ang ARH at hanggang ngayon nga ay magkasama pa rin sila dito. ‘Yun nga lang, sobrang dami na rin pinagdaanan ng parehong ­karakter nila.

So, let’s see kung magiging intact pa rin ba sila lalo na at mas ma­tindi ang mga eksena nila laban naman nina KC Montero at Jay Manalo.