Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Cirrhotic na atay

0 33

“Para saan ba ang atay?” Ito ang tanong sa atin dahil malakas uminom ng alak ang asawa ng ating reader at ang sabi ng kanilang doktor ay ito ang may problema. Ang sintomas na ikinonsulta ay paglaki ng tiyan na alam nila dahil sa alak, ngunit hindi inaakala sa atay ang problema. Kasama na din ang paninilaw ng mata na napansin ng doktor.

Ang atay ay nakikita sa ilalim ng mag tadyang sa gawing kanan ng abdomen. Solid ang organong ito na malaki ang ginagampanan sa pagtunaw ng pagkain, kasama ang metabolismo ng taba, carbohydrates at protina. Tinatanggal din nito ang mga toxins sa katawan. Kabilang na ang cholesterol, mga hormones at gamot. Madaming mga eksaminasyon ang makakatulong para makita kung tunay na apektado ito. Ang ilan ay sa dugo, tulad ng liver function test. Ang serum glutamic oxaloacetic transaminase o SGOT at serum glutamic pyruvic transaminase o SGPT ay kasama dito. May ibang pangalan kung minsan ang mga ito. Ang aspartate aminotransferase o AST para sa SGOT, at ang alanine aminotransferase o ALT naman para sa SGPT. Kung tataas ang resulta, magbibigay sa atin ng malaking hinala na apektado ang atay. May mga imaging technics din na nagagamit tulad ng ultrasound, CT scan, at MRI para makita kung solid nga ba talaga ito o kung may mga bukol bukol o di kaya mga cysts o tuluyang nasisira na ang hugis nito.

Napakagandang organo ng atay dahil ito’y mag-isang humihilom at nagreregenerate. Kung may mangyayari sa kanya, agad agad nitong naaayos ang kaniyang sarili. Ngunit may hantungan din kung sobra sobra ang pinsala na inaabot ito. Madaming maaaring sanhi nito, kabilang na ang impeksyon, mga tumor, medical na kundisyon, at mga toxins. Ang paginom ng alak at pagkain ng mga matatabang pagkain ay kasama na din dito.

Ilan sa mga sintomas na naaapektuhan ang atay ay ang paninilaw ng balat at mata, pananakit ng tiyan at paglaki nito, pamamanas, pangangati ng balat, pagitim ng ihi at pagputla ng dumi, mabilis mapagod at kasama na din ang paghilo at pagsusuka. Kung wala pa namang mga sintomas na ganito, may mga maaaring gawin. Kabilang dito ay panatiliin ang magandang timbang, kumain ng wasto at balanseng pagkain. Magehersisyo ng mabuti, iwasan ang mga toxins tulad ng mga kemikal, insecticides, at additives, kasama na din ang alak at bawal na mga gamot. Mga gamit na personal ay huwag i-share, gaya ng mga nail cutter, sipilyo, pang shave, at iba pa. Magpabakuna laban sa hepatitis at higit sa lahat ay panatiliing malinis ang sarili.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.