Abante Tonite
Mabilis sa Balita

City Garden hugas-kamay sa Dacera case

0 62

Tinanggap ng pamunuan ng City Garden Grand Hotel sa Makati ang grupo ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera bilang “Permitted Guests” sa ilalim ng corporate accounts at hindi bilang mga ordinaryong bisita na pinayagang magkasiyahan at magdiwang ng Bagong Taon sa kanilang establisamyento.

Ito ang tugon ng pamunuan ng nasabing hotel sa Department of Tourism (DOT) isang araw matapos nitong ipalabas ang show cause order noong Enero 5, 2021 na nag-uutos dito na ipaliwanag ang naganap na kasiyahan sa kanilang establisamyento na nagresulta sa kamatayan ng 23-anyos na si Dacera.

Sa kanyang liham kay DOT regional director Woodrow Macquiling, nilinaw ni City Garden Grand Hotel general manager Richard Reazon na hindi nila pinapayagang manatili sa kanilang hotel ang mga bisita para maglibang o magkasiyahan lang.

Aniya, nag-book sina Dacera sa ilalim ng mga corporate account na may mga tanggapan sa Makati City.

“To stress, the guests were provided lodging accommodations not for leisure or staycationing purposes, but as Permitted Guests, as the bookings were made under corporate accounts whose businesses were located in Makati City,” ani Reazon.

Ayon kay Reazon, pinayagan at tinanggap nila ang pina-book nina Dacera na tatlong silid – ang Room 2207, 2209 at 2009 – dahil kwalipikado naman ito sa ilalim ng mga patakaran ng DOT para sa mga Permitted Guests

Nagpa-book aniya ang mga ito ng magkakahiwalay at sa ilalim ng magkakaibang pangalan. Idineklara rin umano ng mga bisita na isang tao lang ang ookupa sa bawat silid.

Matatandaang sinabi ni Macquiling na may pananagutan ang nasabing hotel kapag napatunayan nilang pinayagan nito ang grupo nina Dacera na magdaos ng party sa kanilang lugar na isang paglabag sa mga ipinatutupad na health protocols ngayong pandemya. (Mia B. Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.