Abante Tonite Interactive

City hall employee nangotong ng P120K

242

Dinakip ng mga operatiba ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMART) ang isang empleyado ng Manila City Register of Deeds dahil sa pangongotong ng P120,000 sa isang pribadong lot owner kamakalawa sa Sta. Ana, Maynila.

Ayon kay Police Maj. Rozalino Ibay Jr., ang suspek ay si Richard Feliciano, 44, clerk sa releasing section ng Registry of Deeds Office na nasa Sta. Ana, Maynila.

Sa reklamo na pinaabot kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, sinisingil umano ni Feliciano ng nasabing halaga ang pribadong lot owner para palitan ang pangalan na nakalagay sa kanyang hawak na titulo.

Kaagad namang nagkasa ng entrapment operation ang SMART laban kay Feliciano mismong sa tanggapan ng Registry of Deeds sa Sta. Ana, dakong alas-kuwatro nang hapon na nagresulta sa pagkakaaresto ni Feliciano.

Sinampahan ng kasong robbery extortion ang suspek sa Manila Prose­cutors’ Office (MPO). (Juliet de Loza-Cudia)