Abante Tonite Interactive

CJ ihi lang ang pahinga

559

Hindi pa nagtatagal matapos magbalik sa bansa na bitbit ang unang­ panalo sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifier, agad nang sumabak sa ensayo para naman sa nakatakdang pagdribol sa 2020 Tokyo Olympic Games qualifying­ tournament ang miyembro rin ng Gilas Pilipinas 3×3 na si Christian Jaymar ‘CJ’ Perez.

Halos ilang oras lang matapos na lumapag ang Gilas Pilipinas 5×5 dito mula sa Jakarta, kung saan nilampaso ang Indonesia kamakalawa ng gabi, 100-70, takbo naman ang Columbian Dyip forward sa Philippine Basketball Association (PBA) para naman sa mga kasamahan sa 3×3.

“Ganun talaga, sacrifice lang. Para sa bayan ito kaya dapat gawin kung ano makakaya natin,” bulalas ni Perez, na muling nakasama ang iba pang miyembrong sina Moala Tautaa ng San Miguel Beer at produkto ng Chooks na sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol.

“Kakarating lang kaninang umaga tapos diretso na dito sa Golds. Sobrang blessed na nagising ako kanina na may lakas at naka-practice ako ng maayos ngayon. Balik ulit dito bukas,” hirit ni Perez.

Ikinatuwa naman niya ang pag-eensayo ng team kabilang na ang ilang reserba para sa FIBA 3×3 Olympic Qualifying Tournament sa Bengalaru, India sa Marso.

“Parang may future, kasi kami na nakikita pero pinaghahandaan pa namin kung paghahandaan iyong laro. Nag-aadjust pa kasi kami ni Mo e. Si Josh at si Alvin talagang bihasa na sa 3×3. Sana makuha na namin in the next few days iyong laro ng real 3×3,” anang 24-anyos at may taas na 6’1 na basketbolista.

“Akala ko, iyong 3×3 namin, ganun lang siya e pero dito iba pala talaga. Kailangan ko pa magpalakas ng katawan dahil bugbugan pala talaga iyong 3×3,” panapos niyang pahayag. (Lito Oredo)