Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Claire dela Fuente kulong sa tax evasion

0 722

Hinatulan ng “guilty beyond reasonable doubt” ng Court of Tax Appeals 3rd Division ang dating singer at bus operator na si Claire Dela Fuente at ang kompanya nitong Philippine Corinthian Liner sa kasong tax evasion.

Base sa desisyong inilabas noong Hunyo 30, 2020 na isinulat ni Associate Justice Ma. Belen M. Ringpis-Liban, pinakukulong nito si Dela Fuente (Clarita De Guzman ang tunay na pangalan) ng isang taon para sa bawat kaso ng tax evasion na isinampa laban sa kanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Pinagmulta rin si Dela Fuente ng P50,000 o karagdagang pagkakulong kung hindi nito mabayaran ang multa. Hiwalay naman na multang tig-P100,000 ang ipinataw ng hukuman sa bus company.

Pitong kasong kriminal ang inihain ng BIR laban kay Dela Fuente at sa bus company nito noon pang Enero 5, 2009.

Ayon sa BIR, kasama sa negosyo ng Philippine Corinthian Liner ang vulcanizing, auto repair, auto building, at fabrication ng chassis at iba pang auto parts bukod sa pamamasada.

Inireklamo ng BIR si Dela Fuente at ang kompanya nito dahil hindi ito nagbabayad at nagsusumite ng mga income tax return mula 1998 hanggang 2004.

Bukod sa hindi pagdedeklara ng kita ng kompanya sa bawat quarter, hindi rin ito nagsusumite ng annual income tax return mula 1998 hanggang 2004. Kinasuhan si Dela Fuente dahil siya ang tinuturing na responsible officer ng bus company at pinakikilala niya ang sarili bilang presidente o general manager nito.

Ayon kay Associate Justice Ringpis-Liban, walang kaduda-duda na alam ni Dela Fuente ang operasyon ng Philippine Corinthian Liner dahil siya pa mismo ang naglakad ng mga prangkisa nito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.