Abante Tonite Interactive

Clan War: 4 Minasaker

0 308

Patay ang apat katao kabilang ang isang barangay chairman at asawa nito matapos pagbabarilin ng anim na armadong lalaki lulan ng tatlong motorsiklo Miyerkoles nang hapon sa Cotabato City.

Ayon kay P/Maj. Esmael Madin, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Maguindanao, pinaniniwalaang rido o clan war at paghihiganti ang motibo ng pagpatay sa biktimang sina Datu Nurodin Mangandian Guiaman, 34, kapitan ng Brgy. Tuka, Mamasapano, Maguindanao, asawa nitong si Alwaida Guiaman, 28, Sindatu Agao, barangay treasurer, at Basser Guiaman, 42, miyembro ng Barangay Peace­keeping Action Team.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya laban sa anim na kalalakihang suspek na tumakas lulan ng tatlong motorsiklo.

Sa ulat ng Cotabato City police, naganap ang insidente dakong ala-1:40 ng hapon nang ratratin ng mga suspek ang mga biktima na nakasakay sa kotse sa Notre Dame Avenue sa nabanggit na lungsod.

Nakuha pa umanong makaganti ng putok ng mga biktima ngunit hindi na rin sila nakaporma dahil sa dami ng bumabaril sa kanila.

Dead on-the-spot ang tatlo sa mga ito habang si Barangay Chairman Datu Nurodin ay namatay habang ginagamot sa ospital.

Mahigit sa 40 basyong bala ng kalibre .45 at 9 mm na baril ang nakuha ng scene of the crime operatives sa lugar ng insidente. (Edwin Balasa)