Abante Tonite Interactive

Clan war sa Lanao del Sur, 4 patay

By
660

Bigo ang pulisya at militar na matunugan ang clan war na kumitil sa buhay ng apat na katao sa Lanao del Sur matapos magpang-abot ang dalawang magkatunggaling pamilya sa bayan ng Bacolood, Kalawi.

Hindi pa mabatid kung bakit nakalusot sa mga checkpoint ang mga armadong grupo ng pamilyang Dipatu­an at Amanodin kamakalawa ng hapon. Apat sa panig ng pamil­yang Amanodin ang nasawi sa labanan.

Walang impormasyon kung may patay sa kampo ng mga Dipa­tuan o kung may suga­tan sa magkabilang panig. Kinumpirma lamang ng Philippine Army (PA) ang natu­rang sagupaan na nagtagal nang ilang oras sa Brgy. Gandamato.

Maging ang mga sundalo na nagresponde sa lugar ay binakbakan rin kung kaya’t nagmistulang free-for-all ang labanan.

Hindi nagbigay ng anumang pahayag ang Western Mindanao Command (WesMinCom) kung bakit o papaanong nakalusot ang mga armado sa nasabing bayan nang hindi man lamang natunugan ng militar gayung nasa ilalim ng Martial Law ang buong Mindanao.

Matagal na umanong may alitan ang dalawang angkan at kabilang sa pinag-ugatan diumano nito ay lupa at politika.

Dalawa rin ang nasawi sa isa pang clan war sa Tacurong City sa Sultan Kudarat matapos na pasukin ng mga armado ang bahay ng mga biktima at saka sila niratrat.