Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Class opening sa bahay

0 258

Dati-dati mga tropapips, may mga batang excited tuwing pasukan. Bukod kasi sa makikita na niya ang crush niyang kaklase, maisusuot na niya ang bago niyang school uniform at sapatos. At higit sa lahat, makakahawak na uli siya ng pera–ang baon. Pero ibang usapan ngayon.

Sa mga estudyanteng naka-online class, depensa siguro sa trip ni teacher kung iuutos niyang mag-uniform ang mga estudyante sakaling mayroon silang tutorial na mala-zoom class. Pero kahit siguro sabihin ni teacher na mag-uniform ang estudyante para formal silang tingnan sa camera, tiyak na lumang uniform ang gamit nila at walang bagong sapatos.

Makikita rin naman siguro ng bata ang kaniyang crush pero sa webcam nga lang. At ang pinaka-importante siguro sa mga estudyante na perang baon, malamang depende sa mood ni nanay o tatay. Bakit nga naman bibigyan pa ng perang baon ang anak kung nasa bahay din lang naman?

Pero kung makatutulong sa bata na pang-motivate ang cash prize este baon para sipagin siya sa pag-aaral, why not kahit mas maliit siguro kumpara sa dating baon niya na pumapasok sa eskuwelahan.

Masuwerte ang mga batang may gamit na pang-online class tulad ng mga laptop at internet dahil mas kahit papaano eh magagabayan sila ng mga guro sa kanilang aralin. Pero dapat tiyakin pa rin ng mga telecom companies lalo na nitong PLDT/SMART na maaayos nila ang mga dapat nilang ayusin.

Malapit na pasukan na pero napakarami pa ring reklamo tungkol sa internet at wifi connections. Aba’y marami nga tayong mga kurimaw na naka-work from home ang nagrereklamo na hindi sila makapagtrabaho nang maayos dahil sa mabagal, nawawala, at kung minsan eh talagang patay na connections.

Ang mga madalas nating mabasa sa social media na inirereklamo sa ganitong kapalpakan eh ang PLDT at Smart. Aba’y ang pangako raw ay pahuhusayin nila ang serbisyo sa Disyembre. Nakalimuta yata nilang Agosto palang ngayon. At baka ang mangyari, para bumilis o bumuti ang serbisyon nila, sasabihin nila sa mga kostumer nila eh magpalit ng plan na mas mahal.

Ang mga estudyante naman na walang problema sa internet o wifi dahil wala silang pambili ng gadgets, magtitiis naman sila sa self-learning modules (SLMs) na ibibigay ng mga guro, na manggagaling naman sa Department of Educations.

Ang problema sa sistemang ito, walang gurong makakausap ang mga bata dahil kukunin lang ng mga magulang o ipadadala sa bahay ang SLMs. Ang magiging pinaka-guro ng mga bata sa sistemang ito eh ang kanilang mga magulang o kasama sa bahay. Kaya kung ang ibang estudyanteng nakaka-L-L o luwag-luwag, eh iniisip kung mabibigyan sila ng baon, ang mga estudyanteng G na G , o gipit na gipit eh ang iniisip ay kung matuturuan kaya sila ng kanilang mga magulang.

Sa totoo lang, marami sa pamilyang mahihirap eh hindi nakapagtapos ang mga magulang. Kaya naman iginagapang nila ika nga ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil ayaw nilang matulad sa kanila ang mga bata. Kaya papaano na kung hanggang grade one lang si tatay o si nanay, at ang anak nila eh nasa mas mataas na grade na? Papaano pa kaya nila matuturuan sa aralin ang bata? Tapos pinoproblema pa nila kung saan sila kukuha ng pangkain dahil hirap silang makahanap ng trabaho o hindi makapasok sa trabaho.

Kung tutuusin mga tropapips, hindi naman bago ang ganitong sistema ng pagtuturo dahil may distance learning nang ipinatutupad noon pa man para sa mga estudyanteng di makapunta sa paaralan tulad ng mga ta-artits. Ngunit dahil sa made in China virus na COVID-19, kailangang ipatupad ang kanilang sistema sa lahat ng mga nais pa ring mag-aral habang may pandemic.

At dahil biglaan nga ang ganitong uri ng maramihang pagtuturo, sana naman eh huwag maging terror ang mga titser [sa public man o private schools] tungkol sa kalalabasan ng kanilang pagtuturo. Ibig nating sabihin, damihan nila ang baon nilang konsiderasyon at pang-unawa sa mga estudyante sakaling hindi maabot ng bata ang kanilang expectation. Marami kasi ngayon ang maaaring mangyari sa bahay na posibleng makaapekto sa pag-aaral ng bata. Ang mahalaga, makitang nag-e-effort ang estudyante. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.