Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Climate and Disaster Emergency’ napapanahon

0 366

Panahon na para pakinggan at sundin ng pamahalaan ang lalong lumalakas na panawagang ideklara nito ang “national climate and disaster emergency” pagkatapos ng dalawang malalakas na bagyo at pagbaha na nagpadapa at nagpalubog sa maraming mga pamayanan sa Luzon hanggang ngayon.

Hindi umano biro ang malawakang kasiraan at kahirapan sa mga Pilipino na iniwan ng magkakasunod na bagyo.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, sadyang kailangan ang naturang deklarasyon para sa “’climate justice’ sa pinakamahihirap na mga Pilipino na bumabalikat sa mga kahirapang dulot ng mga kalamidad” at ibayong sumusubok sa kakayanan ng pamahalaan sa pagtugon sa mga ito.

Lalo pang pinahihirap ng nagdaang mga kalamidad kamakailan ang masikip na sitwasyon sa ilalim ng Covid-19 pandemyang umiiral na pumaralisa sa ekonomiya sa halos isang taon na ngayon at lumusaw sa trabaho at kabuhayan ng maraming pamilya, dagdag niya.

Ipinunto ni Salceda na nauna nang nagbabala ang mga ‘scientists and environmentalists,’ at mga lider sa mundo sa banta ng mga kaganapang kaugnay sa pagbabago ng panahon, at ang mga kalamidad na naganap kamakailan ay hindi ang pinakahuli.

Halos isang daang buhay ang kinitil ng mga bagyong Rolly at Ulysses sa pagitan ng isang linggo lamang, at nag-iwan sila ng bilyon-bilyong pisong halaga ng mga kasiraan sa impraestraktura, ari-arian at agrikultura.

Hanggang ngayon maraming pamayanan sa Cagayan ang lubog pa sa bahang dulot nila.

Nauna nang ipinanukala ni Salceda sa Kongreso na ideklara ang 2020 bilang “Disaster and Climate Emergency Awareness Year” sa pamamagitan ng House Resolution 535 na inihain niya sa Kamara noong Nobiyembre 2019. Ang mambabatas ng Albay ay kinikilala at idineklara ng United Nations bilang “Senior Global Champion for Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation” nito.

Layunin ng naturang resolusyon na inaprubahan at inendorso ng ‘Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction,’ na isulong ang “patuloy na pag-iingat ng publiko sa mga bantang panganib ng lalong bumabagsik na mga bagyo at kaganapang dulot ng nagbabagong panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.