Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Close contact na ayaw pa-swab test P50K multa – DILG

0 153

Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga close contact at may sintomas ng COVID-19 na tatangging pa-swab test na maaari silang kasuhan, makulong ng anim na buwan at pagmultahin ng P50,000.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang mga istriktong hakbang na pinatutupad ng pamahalaan sa mga lugar na nasa granular lockdown, katulad ng mandatory testing o 14 araw na quarantine, ay hindi naglalayong magparusa.

Layon lang aniya nito na mapigilan ang pagkalat pa ng COVID.

Iginiit ng kalihim na ipinatutupad lamang ng DILG ang Republic Act No. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act) upang maprotektahan ang publiko mula sa banta sa kalusugan.

Subalit sa ilalim aniya ng Section 9 ng nasabing batas na ipinasa noong Abril 2019 ay nakasaad na ang `non-cooperation’ ng mga infected person (positive case) at affected (exposed o close contact) sa panahon ng pandemya ay mayroong katapat na parusa dahil inilalagay nila sa panganib ang buhay ng ibang tao.

Nabatid na nakasaad sa Section 10 ng nasabing batas ang itinakdang multa at parusang pagkabilanggo sa mga lalabag dito.(Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.