Abante Tonite Interactive

Closure

By
1,210

Maging ang mababang korte ay nanawagan na rin ng pagbibitiw ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Nag­labas ng manipesto ang Philippine Judges Association o PJA na nanawagang bumaba sa puwesto ang Punong Mahistrado sa flag-raising ceremony na ginaganap tuwing Lunes ng umaga.

Sa kanilang tinawag na ‘red Monday’, suot ang kulay pulang T-shirt na ang ilan ay merong nakaimprentang resign now, binasa ng kanilang tagapagsalita ang pana­wagan na bumaba na si Sereno sa puwesto. Nakita rin sa nasabing pagtitipon ang ilang mga mahistrado ng Korte Suprema kabilang na sina Associate Justices Teresita de Castro, Presbiterio Velasco. Ilan sa kanila ay nakakurbata na kulay pula.

Ang PJA ay binubuo ng isang libo at dalawan­daang hukom ng mga regional trial court sa iba’t ibang panig ng bansa. Bukod dito, karamihan din sa mga empleyado ng kataas-taasang hukuman ay nananawagan ng pagbibitiw at pagbaba ni Sereno sa puwesto. Ang kanilang pinangangalandakang dahilan ay ang pagkakaroon ng kapayapaan.

Sa isang pahayag, tumanggi si Sereno sa mga panawagang siya ay bumaba sa puwesto. Kanya ring tinuya ang dahilan ng kanyang mga kritiko. “Paano magkakaroon ng kapayapaan kung walang hustisya?” ani Sereno. Nanindigan si Sereno na haharapin niya ang mga bintang sa pamamagitan ng impeachment na siyang namumukod tanging paraan para tanggalin sa posisyon ang isang nakaupong mahistrado ng Korte Suprema.

Muli, ako po ay naniniwalang marapat na dumaan sa proseso ang pagpapalayas o pagpapanatili sa puwesto sa isang Punong Ma­histrado. Sang-ayon sa Saligang Batas, tanging impeachment lamang ang paraan para ito’y isagawa. Ang pagbibitiw ay ikinukusa ng isang inu­usig. Ito’y hindi marapat na itinatakda sa isang tao. Kapag ‘yan ay ipinilit, ‘yan ay pambabraso. ‘Yan ay panggigipit. Shortcut po ‘yan ng isang tamang proseso. Hindi po nito napagsisilbihan ang interes ng taumbayan. Napatunayan na ito ng halimbawa nang pagpapatalsik kay dating CJ Renato Corona noong panahon ng administras­yong Aquino.

Kasabay nito, napapabalitang binabalak na kunin bilang tagapayo ng impeachment prosecution team si dating Senate President Juan Ponce Enrile. Alam naman na­ting lahat ang markadong papel ni Enrile sa impeachment ni CJ Corona.

Dahil sa mga development na ito, lalo’t dapat na hayaan gumulong ang proseso ng impeachment. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng lohikal na katapusan ang usapin. Magkakaroon ng tinatawag nating closure…