Abante Tonite Interactive

COA: Floridablanca Water District lugi sa Prime Water-Villar

821

Kabilang din ang Floridablanca Water District sa lalawigan ng Pampanga sa nagtamo ng pagkalugi matapos pumasok sa isang joint venture agreement sa Prime Water Infrastructure Corporation (PWIC) na pag-aari ng pamilya ni dating Senate President Manny Villar.

Batay sa 2018 Annual Audit Report ng COA, bumagsak ang financial performance ng water district matapos maaprubahan ang joint venture nito sa Prime Water.

Pinuna rin ng COA ang kabiguan ng Prime Water na makapaglagak ng performance bond at hindi pa nababayaran ang franchise tax nito.

Ayon sa COA report, bago pumasok sa joint venture ang Floridablanca Water District ay maganda ang financial performance nito at nakapagtala ng P13 million average net income.

Gayunman, noong 2017 na unang taon ng kanilang partnership ng Prime Water ay bumagsak ang kita nito sa P4.46 milyon na lamang.

Inirekomenda ng COA na isailalim sa panibagong negosasyon ang joint venture sa Prime Water at humingi ng dagdag sa kanilang annual revenue share o kaya naman ay magsagawa ng pag-aaral para malaman kung mas mainam pang tapusin na lamang ang kanilang joint venture sa Prime Water.

Gayunman, inihayag umano ng pamunuan ng Floridablanca Water District na hindi pa nila maaaring isailalim sa renegotiation ang kasunduan dahil nakasaad ito sa kontrata. (Yves Briones)