Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COA: P527M transport project ng DOTr tinengga

0 77

Pinagsabihan ng Commission on Audit (COA) ang Department of Transportation (DOTr) na gamitin ang itinayong Manila Area Control Center (MACC) sa Pasay City upang hindi maaksaya ang mahigit P487 milyong pondo na inilaan dito.

Itinayo ang MACC para ipalit sa Eurocrat 200, ang air control center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Sa audit report ng COA, sinabi nito na ang Phase 1 at 2 ng MACC ay siyam na taon nang natapos ngunit hindi pa rin ginagamit ng DOTr.

Una nang sinabi umano ng DOTr na naghahanap sila ng ahensya ng gobyerno na maaaring gumamit ng MACC katulad ng Philippine Air Force at Philippine Coast Guard subalit ilang taon na ang lumipas ay wala pa rin ganitong mga kasunduan.

Ayon sa COA hindi lamang ang MACC ang proyekto ng DOTr na nakatengga.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa COA report, sinabi nito na may limang proyekto ng DOTr na ginastusan ng P39 milyon ang nakatengga at walang plano kung itutuloy pa kabilang dito ang runway extension at expansion ng terminal building sa Roxas Airport (P28.27 milyon); pag-develop ng Santa Fe Port (P2.6 milyon); toilet improvement sa Manila International Airport Authority (P4.8 milyon); pagsesemento ng runway sa Marinduque Airport (P1.2 milyon); at konstruksyon ng Buhatan Port (P2.6 milyon).

Sa report ng COA, iba-iba ang dahilan kung bakit hindi natapos ang mga proyekto. Una, sa isyu ng right of way, kabiguan ng contractor na makakuha ng quarry permit, iniwan ng mga contractor at hindi magandang trabaho.

“Together with the completed yet idle new MACC project, these idle projects cost the government around P527.410 million,” ayon sa COA.

Bilang tugon sinabi ng DOTr na gumawa na ito mga legal remedy kabilang ang paghingi ng liquidated damage, pagpapalabas ng blacklisting order at pagbawi sa performance bond laban sa mga nagpabayang contractor ng nasabing mga proyekto.

Iginiit naman ng COA na habang naghahabol ng legal remedy ang DOTr ay dapat magkaroon ito ng plano para maipagpatuloy ang proyekto at magamit sa halip na tuluyang masira at maaksaya ang pondo. (Tina Mendoza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.