Abante Tonite Interactive

COA report gamitin sa kampanya sa corruption

By
378

Madalas nating marinig kay Pangulong Duterte ang kanyang kampanya laban sa katiwalian sa ating gobyerno.

Pinatunayan na rin ng Pangulo na totoong hindi niya kinukunsinti ang katiwalian kahit pa nasangkot ang kaibigan niya o malapit mismo sa kanya.

May ilang kilalang miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng pamahalaan na nasangkot sa corruption at agad sinibak ng Pangulo bilang patunay na seryoso ito sa kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno.

Pero matapos na matanggal sa puwesto ay natapos na at hindi na natin narinig na pinaimbestigahan at pinasampahan ng kaso.

Mahalagang mapatunayan sa korte o sa Ombudsman kung totoong guilty sa corruption ang isang opisyal lalo na ang pinatalsik mismo ng Pangulo.

Related Posts

Dapat ay masampahan ng kaso at kung maabsuwelto ay malinis din ang pangalan ng mga ito.

Sa ngayon ay ma­kabubuting gamitin na rin mismo ni Pa­ngulong Duterte na gawing batayan ang mga inilalabas ng report ng Commission on Audit (COA) upang paimbestigahan ang isang opisyal ng gobyerno.

Malaliman kasi ang ginagawang pagbusisi ng COA sa mga ahensiya ng gobyerno lalo na sa usapin ng paggasta sa salapi ng taumbayan.

Kapag naglabas ng COA report ay agad na pakasuhan sa Ombudsman upang maituloy ang mas malalimang imbestigasyon sa pondo ng bayan.

Sa ngayon ay maraming ahensiya na ng gobyerno ang nasuri ng COA at ini-report na maraming departamento ang umabuso sa pondo ng bayan at walang habas na paglustay sa pera ng publiko.

Sana ay seryosohin ng Pangulo ang mga COA report at maaa­ring mapagbatayan ito ng imbestigasyon at pagkakatuklas ng iba pang anomalya sa lahat ng ahensiya ng gobyerno upang mas madaling makam­tam ang tagumpay sa kampanya laban sa katiwalian sa ating gobyerno.