Abante Tonite Interactive

COA sa Davao Occidental LGU: P10.8M i-liquidate

0 125

Pinapa-liquidate ng Commission on Audit (COA) kay Davao Occidental Governor Claude Bautista ang P10.81 milyong pondo na ibinigay nito sa ilang barangay at bayan sa kanilang lalawigan.

Lumabas sa 2018 audit report ng COA na sa kabila ng mayroong Memorandum of Agreement (MOA) ay hindi nagsumite ng liquidation ang mga local government unit na tumanggap ng pondo.

Ayon sa COA, tapos na ang mga socio-cultural activity ng mga barangay kung saan ginamit ang pondo noong 2017 at 2018 pero wala pang natatanggap na liquidation report mula sa kanila ang pamahalaang panlalawigan na salungat sa isinasaad ng kanilang MOA.

Sinabi ng COA na ipinaliwanag naman ng Davao Occidental Provincial Accountant na pinadalhan na nila ng sulat ang mga LGU para ipaalala ang kanilang obligasyon pero iilan lamang ang nagsumite ng liquidation report.

Dahil dito, inirekomenda ng COA kay Bautista na atasan ang implementing office nito para ipaalala sa mga LGU ang kanilang obligasyon sa ilalim ng MOA at kapag hindi tumupad ay maaaring ma-disqualify na sila sa pagtanggap ng tulong pinansiyal. (Yves Briones)