Abante Tonite Interactive

Coach Alas walang pake kay Abueva

By
1,844

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – Alaska vs. TNT
6:45 pm – NorthPort vs. Phoenix

Magtatagpo ang parehong kulang sa taong NorthPort at Phoenix sa nightcap ng double-header sa Smart Araneta Coliseum mamaya.

Sa opener ay magsasagupa ang Alaska at TNT KaTropa.

Wala ang kamador ng Batang Pier na si Stanley Pringle na kumakampanya sa Asian Games sa Indonesia, out din si Jeric Teng nang abutin ng calf injury sa 123-107 loss ng team kontra NLEX sa unang laro nila sa PBA Governors Cup noong Linggo.

Sidelined ng calf injury din ang isa pang masipag na bataan ni coach Pido Jarencio na si Sean Anthony, tulad ni Teng ay sa susunod na buwan na inaasahang makakabalik.

Hinahanap ni Jaren­cio ang responde ng kanyang naiwang mga sundalo para makabawi.

“Si Stanley, nagpapagaling ng kasama. Nadadala niya. ‘Yung defense nagko-collapse sa kanya,” paliwanag ni Jarencio. “For now, si­yempre, wala. Kailangan mag-step up ‘yung ibang players.”

Sa kampo ni coach Louie Alas sa Phoenix, parehong nasa injury list sina Gelo Alolino at Doug Kramer na kapwa tinanggalan ng bone spurs sa kaliwang paa.

Sa likod ng dambuhalang 50 points ni Eugene Phelps, magarang inumpisahan ng Fuel Masters ang kampanya sa season-ending tournament sa bisa ng 113-107 win kontra Columbian Dyip noong Miyerkoles.

Paramdam din agad ang bagong salta sa Phoenix mula Alaska na si Calvin Abueva, nambarako ng 12 points at 13 rebounds huli ang dalawang offensive boards sa dulo bago nagsalpak ng dalawang free throws na nagselyo sa panalo.
Mayroon pang five assists at three blocks ang The Beast.

Dati nang nagkasama sina Alas at Abueva sa Aces.

“Sabi ko kay Calvin, parang barkada lang tayo kasi assistant coach lang ako sa Alaska. Ngayon, let me coach you,” wika ni Alas. “Sabi ko, hindi ko papakialaman mga outside activities mo, unless lumiliko. Laruin mo lang ‘yung gusto mong laruin, ‘yung dating Calvin Abueva.”