Abante Tonite Interactive

COACH JONG TULOY ANG TRABAHO SA TNT

109

Tulad ng isang sundalo, susunod lang si Jong Uichico sa desisyon ng mga nakakataas.

“Whatever manage­ment decides, wala akong magagawa kundi sumunod,” ani Uichico matapos kumalat ang ulat kahapon na papalitan na siya ni Nash Racela bilang head coach ng TNT KaTropa.

Inamin ni Uichico na nabigla din siya sa balitang unang lumabas sa inqui­rerdotnet website. Ayon sa report, magbibitaw ng formal announcement ang TNT ngayong linggo.

Simula noong Lunes ay si Uichico pa rin ang nagmamando sa practice ng TNT.

“I will be a good soldier,” dagdag ni Uichico. “Kasi naman, whate­ver management decides, prerogative nila ‘yun.”

Matagal nang assistant si Racela sa iba’t ibang TNT head coaches, minsan ay nagmamando kapag wala ang head mentor. Giniya­han ni Racela ang FEU Ta­maraws sa UAAP championship noong isang taon.

Nagulat din sa report si Texters team mana­ger Virgil Villavicencio, narinig lang daw ito mula sa mga kaibigan sa media.

“Talagang wala akong kaalam-alam,” lahad ni Villavicencio.

Habang wala pang order ang higher ups, sa­sabihan ni Villavicencio si Uichico na ituloy ang ginagawa.

“Hangga’t walang instructions sa akin ang itaas, kung ano ang set up ngayon, ituloy lang at si coach Jong pa rin ang mag-ha-handle sa team,” anang team manager.

Naupo si Uichico sa TNT bago ang 2014-15 season, inihatid ang Manny V. Pangilina­n-owned team sa limang playoffs appearances kasama ang 2015 Commissioner’s Cup title.

Kinolekta ni Uichico ang una niyang walong championship rings sa San Miguel Corporation teams – anim sa San Miguel Beer at dalawa sa Ginebra.