Abante Tonite Interactive

Coast guard bokya pa sa nawawalang 13 mangingisda

187

Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga nawawalang 13 pang mangingisda sa Mariveles.

Ayon kay Commander Airland Lapitan, ng PCG-Bataan Provincial Station, hanggang ngayon ay ‘di pa rin natatagpuan ang 13 sakay ng Three Sisters – 2 fishing­ boat na lumubog sa nasasakupang lugar ng Reed Bank na nasa Palawan bunsod ng umatakeng dambuhalang alon.

Nauna rito’y isa sa 14 mangi­ngisda na nawala sa dagat sa kasagsagan ng bagyong Quiel ang nakauwing ligtas sa kanyang pamilya sa Bataan matapos silang pumalaot sa Scarborough Shoal, Nobyembre 6.

Ayon kay Angelito Epetito Jr., pauwi na sila noon nang biglang lumakas ang epekto ng bagyong Quiel sa bahagi ng Scarborough malapit sa Palawan.

Sunod-sunod na hampas ng malalakas at higanteng alon ang tumama sa kanilang bangka na ikinalubog ng mga ito at ikinawala na rin ng kasamahang mangi­ngisda.

Kuwento pa nito, mula Palawan ay lumutang siya hanggang sa Subic sa Zambales kung saan siya nakita ng mga dumadaang bangka, bago itinurn-over sa Coast Guard.

Kabilang sa pinaghahanap ang crewmember na sina Bobby­ Gabales, Ronilo Epetito, Jeffrey Abayon, Frederick Falogme, Ariel­ Epetito, Anmar Bonocan, Joel Negrido, Dondon Narciso, Jerry Villaruel, Jerry Mantaring, Christian Gabales, Ruel Guico at boat captain, Laureano delos Santos. (PNA)