Abante Tonite Interactive

Cobra, Red Bull, iba pang energy drink sasalain ng FDA

3,123

Rerepasuhin ng Food and Drugs Administration (FDA) ang laman at label ng mga energy drink sa bansa. Ang aksyon ay gagawin ng FDA bunsod na rin nang pagkakasuspende sa atletang si Kiefer Ravena, matapos umanong gumamit ng ipinagbabawal na substance.

Sinabi ni FDA Director General Nela Charade Puno, ipinag-utos niya ang review dahil magandang pagkakataon ito para sa ahensiya upang muling eksaminin ang laman at label ng mga naturang produkto.

Higit sa 100 brand ang ibinebentang energy drink sa bansa, ilan dito ay ang Cobra, Red Bull, Sting, at iba pa.

Una nang inianunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na si Ravena, 24, ay sinuspende ng 18-buwan ng International Basketball Federation (FIBA) matapos mag-posi­tibo sa banned substances sa World Anti-Doping Agency list.

Nalaman na bumagsak umano si Ravena sa isang drug test na isinagawa sa kanya noong Pebrero 25, 2018, kasunod ng laro ng Gilas Pilipinas laban sa Japan sa Mall of Asia Arena.
Sinasabing uminom si Ravena ng pre-workout supplement na tinatawag na ‘Dust Extreme’.