Abante Tonite Interactive

Cocaine inipit sa mga pambatang libro

436

Nasakote ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong ‘courier’ ng iligal na cocaine at sinasabing mga recruit ng mga asawang Pinay ng miyembro ng Western African Drug Syndicate (WADS) matapos makuhanan ng mahigit 3 kilong cocaine sa magkasunod na operasyon kamakailan sa Pasay at Pasig City.

Kinilala ang mga suspek na sina Ma. Clara Q. Bedico, Alvin J. Avila, at Antonette R. Mendiola matapos isaila­lim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) sa paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs ) na may kaugnayan sa Section 26 (Conspiracy to Transport Dangerous Drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165.

Ayon kay NBI deputy for investigative services Vicente De Guzman III, Marso 28, 2019 nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa ibibiyaheng cocaine ng isang Pinay patungo sa Thailand.

Kaagad na nakipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang NBI at sa Pasay Police at kaagad pinababa sa eroplanong patungong Thailand si Bedico at naroon si Avila na umaalalay sa kaniya para sa pagpapalusot ng travelling bag na nadiskubreng nakapalaman sa loob ng 5 pirasong hard-bound children’s book ang cocaine na nasa 3,297.5 kilos.

Nalaman na si Bedico at Avila ay nakatakdang makipagkita kay Mendiola sa isang motel sa Pasig City para ilagak pansamantala ang travelling bag na may lamang cocaine, habang naghihintay pa ng rebooking sa flight patungong Thailand si Bedico.

Agad ikinasa ang follow-up operation nitong Marso 29 at nadakip sa isang motel si Mendiola. (Juliet de Loza-Cudia)