Abante Tonite Interactive

Coco kay Eddie: ‘Huwag kang bibitiw’

419

Sa “Rated K” nagsalita si Coco Martin hinggil sa saloobin niya sa kalagayan ngayon ni Eddie Garcia na as we all know ay matagal niyang nakatrabaho sa dalawa niyang serye – una ay sa “Juan dela Cruz” at pagkatapos ay sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Ni-recall ni Coco ang unang pagkaka­taon na nakatrabaho niya si Manoy ­Eddie.

“Hindi ko makakalimutan ‘yung first experience ko sa kanya nu’ng una ko siyang makatrabaho sa ‘Juan dela Cruz.’ Talagang ni-request ko siya na sana makatrabaho ko siya kasi galing siya sa ibang network and then first time siyang magbabalik ng ABS-CBN,” simu­la ni Coco.

“Tapos nu’ng nakita ko siya, nanginginig ako kasi nga parang sobrang tuwa na makakatrabaho ko ang Mr. Eddie Garcia,” aniya.

Puring-puri niya ang veteran actor na aniya ay napakasimple at tahimik lang daw sa set.

“Sabi ko nga, bilang artista, sa edad ni Tito Eddie, sobrang nabilib ka­ming lahat. Kasi siya ‘yung tipong walang perso­nal assistant, driver lang.

“Grabe ‘yung pagmamahal niya sa trabaho, ‘yung pagmamahal niya sa industriya, ‘yung pag-aalaga niya sa lahat ng mga proyektong ginagawa niya,” saad pa ng Kapamilya Primetime King.

Ayon pa kay Coco ay national treasure na ng industriya na maitutu­ring si Manoy dahil sa laki ng naging kontribusyon nito sa mundo ng pelikula at telebisyon.

Sa huli ay nagbigay si Coco ng mensahe para kay tito Eddie.

“‘Lo, alam ko kayang-kaya mo ‘yan. Alam ko po na kung ano man ‘tong nangyari sa ‘yo, alam ko na, wala ‘yan, malalampasan mo ‘yan.

“Huwag kang bibitiw, lagi kaming nandito, nagmamahal sa ‘yo, humahanga sa ‘yo at nagdadasal, alam po namin na gagaling ka agad.

“Lahat kami naghihintay sa ‘yo. Lahat kami nag-aabang ulit na magkasama ulit tayo sa trabaho, sa lahat ng mga okasyon.

“Sobrang mahal na mahal ka namin. Mahal na mahal ka ng industriya at ikaw ang inspirasyon naming lahat,” ang mensahe ni Coco para kay Manoy Eddie.
***

Kathryn, Daniel
buking ang ‘anak’
sa Instagram

Aliw ang video ni Kathryn Bernardo na tinuturuan niyang magsa­lita ng “I love you” ang alaga niyang aso na si Tala. Pinagagaya niya ang paraan ng pagsasabi niya na ang “you” ay mahaba na parang umuungol na aso.

Paulit-ulit niya itong tinuruan at talagang panay ang sabi niya na “do it.” As if naman, makakapagsalita nga ang aso.

Maraming alagang aso si Kath at ang nakakatuwa pa, pinagbukas pa niya ng IG account ang mga ito na ang username ay “bernardogcath.” Nakalagay sa deskripyon na ang parents ay silang dalawa ni Daniel Padilla. And mind you, may 108,000 followers na ang doggie account.

Dito makikita ang larawan ng kanyang mga aso at dito nga rin niya pinost ang natu­rang video.

Ang dami namang natuwa sa video at komento nila, ang cute raw ng mag-ina. May nagbiro ring kay Dani­el Padilla na lang daw ni Kath sabihin ang “I love you.”