Abante Tonite Interactive

Coco lumber smuggling nasabat sa Port Area

By
435

Nasakote ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-EnCD) ang isang lalaking sangkot diumano sa mala­king pagluluwas ng mga illegal coco lumber.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang suspek na si Rex Mesa na naaresto noong Agosto 16 sa Port Area, Maynila at nagmamay-ari ng mga coco lumber na walang kaukulang permiso.

Nakipagtulungan ang NBI-EnCD sa Phi­lippine Coconut Autho­rity (PCA) para masakote ang suspek matapos makumpirma ang mga impormasyong natanggap hinggil sa gawain nito.

Nauna rito ay hiniling ng PCA sa Bureau of Customs na pigilan ang paglabas ng 21 container van na nakapangalan kay Mesa.

Humarap pa umano si Mesa sa opisina ng PCA noong Agosto 12, kasabay nang pagda­ting ng mga coco lumber sa Pier 16 at nagpakita ng transshipment clearance na expired o recycled na.

Sa pag-iinspeksiyon, nakumpiska ang 105,261 board feet ng mga coco lumber na para sa Maynila at 33,000 iba pa na patu­ngong Cebu.

Paso o expired na umano lahat ng transshipment clearance para sa mga coco lumber at hindi sakop ng bagong valid transport permit ang pagluluwas nito.

Ayon sa sertipikasyong inisyu ng PCA, kumpirmadong hindi rehistradong trader si Mesa.

Dinala sa Office of the Prosecutor Ge­neral ng Department of Justice si Mesa para isailalim sa proseso dahil sa paglabag niya sa Republic Act No. 8048 o Coconut Preservation Act of 1995, na inam­yendahan ng RA 10593.