Abante Tonite Interactive

Coco nanita sa medyas

954

Para sa mga katrabaho ni Coco Martin sa kanyang serye at MMFF movie, saludo sila sa pagiging propesyonal ng Kapamilya Primetime King.

Bilib din sila sa dedikasyon nito sa trabaho at sila man ay nagtataka kung saan ito humuhugot ng lakas sa pagiging walang kapaguran.

Bukod kasi sa kanyang toprating FPJ’s Ang Probinsyano, nakakaya pa niyang maglagare sa kanyang pelikulang 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon na kanyang isinulat, idinirek at iprinodyus.

Anila, bilang director, istrikto raw si Coco. Laging dumarating nang maaga sa set.

Aminado naman si Coco na metikuloso siya bilang direktor dahil gusto niyang ibigay lagi ang ‘best’ para sa mga viewers.

Hirit pa niya, dahil minsan lang sa isang taon lang ang kanyang filmfest entry, sinisigurado niyang pinag-isipan at ginastusan ito.

Istrikto rin daw siya dahil gusto niyang ikintal sa lahat lalo na sa mga baguhan sa showbiz ang disiplina sa kanilang trabaho kasama na ang pagsunod sa calltime.

Wala rin siyang nakikitang masama sa pagiging perfectionist sa set .

Katunayan, ultimong ang medyas daw ng boys sa kanilang serye at pelikula ay sinisita niya. Lalo na iyong mga gumaganap ng kapulisan ay pinupuna niya ang medyas kapag di akma sa eksena niya. Gusto niya maipakita lagi ang katotohanan at ayaw niyang mapulaan.

Sa kanyang MMFF entry na 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon, first time niyang makakasama ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas at Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.

Kalahok ito sa 45th Metro Manila Film Festival. (Archie Liao)