Abante Tonite Interactive

Coco pinagtripang buhusan ng tubig ang mga talent?

By
7,103

Totoo kaya ang nakarating sa aming balita na parang napag-tripan daw ni Coco Martin ang mga talent ng FPJ’s Ang Probinsyano at binuhusan ng tubig ang mga ito habang natutulog?

Ayon sa aming source, ang balitang ito ay ga­ling mismo sa isang talent ng naturang top rating TV series na pinagbibidahan ng Kapamilya Primetime King.

Base raw sa tsika ng isang talent, kasalukuyang nagpapahinga raw sila at ang iba ay napapaidlip na dahil sa tuhog-tuhog ang mga eksena nila, kaya hapo na raw sila. Pero maya-maya lang ay biglang nilapitan umano sila ni Coco at sabay buhos daw sa kanila ng tubig.

Pinayuhan pa raw ni Coco ang mga talent na dapat silang maging professional dahil doon din daw siya nanggaling noong nagsisimula pa lang sa showbiz.

Ang ending daw umano ng naturang insidente­, napagsabihan si Coco ni Ms. Susan Roces na kahit biro ay huwag na itong gagawin ulit. Ayon pa sa aming source, sinabi raw ni Ms. Susan, na gumaganap na lola ni Coco sa Ang Probinsyano, na hindi ito ginawa sa ibang tao sa industriya ni Fernando Poe Jr. noong nabubuhay pa si Da King.

Wala sigurong masamang intensiyon si Coco sakaling totoo man ang balitang ito, dahil kilala naman ang kababaang loob at pagiging matulungin ng aktor sa loob man o sa labas ng showbiz. Pero mas mabuti sana kung lilinawin mismo ni Coco kung may katotohanan nga ang naturang insidente. (Ang balita ko biruan na nilang mga lalaki ang buhusan ng tubig, panahon pa ng seryeng Juan Dela Cruz-ED)