Abante Tonite Interactive

Coco sinabuyan ng tubig ang natutulog na audio man?

By
12,907

HINDI namin dadaanin sa blind item ang kuwentong ito, papangalanan namin ang personalidad na tinutukoy sa istorya, para magkaroon siya ng pagkakataong ipagtanggol ang kanyang sarili.

Nakatanggap kami ng mensahe mula sa isang numerong hindi pamilyar sa amin, binasa namin ang kabuuang nilalaman, nagdalawang-isip kaming maniwala.

Si Coco Martin, ang magaling na aktor ng sinusubaybayan naming Ang Probinsiyano ang tinutukoy sa kuwento, ito ang pahayag ng aming texter.

Abante Hiring – IT dep

“Nangyari ito sa ta­ping ng Ang Probinsiyano, paspasan ang kanilang trabaho, pagod na pagod silang lahat dahil sunud-sunod ang taping nila. Dahil sa sobrang pagod, inantok ang kanilang audio man, pero nakaupo naman siyang naidlip.

“Nakita siya ni Coco, kumuha siya ng tubig, sinabuyan niya ‘yung audio man. Naawa ang mga nakakita sa pangyayari dahil ang audio man, e, matanda na. Bakit daw siya natutulog sa oras ng trabaho?

“Iba siguro ang magi­ging feeling ng mga nakakita kung bata pa ang audio man, kaso, matanda na. Kung nakakaramdam ng antok ang mga mas bata, ang matandang audio man pa kaya ang hindi susuko?” tanong-opinyon ng nag-text sa amin.

Ayaw naming paniwalaan nang isandaang porsiyento ang impormasyong nakarating sa amin. Sa aming puso ay palagi naming pinupuri si Coco Martin bilang aktor, bilang anak at apo, at bilang manggagawa ng industriya.

Siya lang ang aktor na nagkaroon ng ideyang bigyan ng trabaho ang mga action stars na pinag­lipasan na ng kanilang panahon at siya lang din ang personalidad na nagbigay ng pagkakabuhayan sa mga tinatawag na goons ng pelikula na sumakit lang ang ulo ay ni walang maipambili ng paracetamol dahil sa kawalan ng kinikita.

Sa aspetong ‘yun ay kapuri-puri si Coco Martin dahil hindi niya ipinagdadamot ang kanyang katanyagan, binibigyan din niya ng tsansang kuminang muli ang mga bituing umaandap-andap na, si Coco Martin lang ang alam naming nagbigay ng ganu’ng pagpapahalaga sa matatanda nang artista.

Napakarami niyang nabibigyan ng trabaho, hindi biro ang kabusilakan ng kanyang puso, kaya ang kuwentong nakarating sa amin tungkol sa audio man na sinabu­yan niya ng tubig habang umiidlip ay laban sa a­ming kalooban.
***
IPAGPALAGAY na, kahit man lang sa punto ng argumento, ay totoo ngang naganap ang pambubuhos ng tubig ng magaling na aktor sa kanyang crew ay ito lang ang masasabi namin.

Iisa lang ang katawan natin. Kapag ang ating energy ay gamit na gamit na, kapag halos hindi na tayo natutulog at nagpapahinga, ay du’n pumapasok ang init ng ulo.

Hindi na tayo nakapag-iisip nang wasto, mabilis ang ating reaksiyon sa mga bagay-bagay, huli na kapag napagtanto natin na meron na pala tayong damdaming nasaktan kahit hindi naman ‘yun sadya.

Konting bagay lang ay ipinag-iinit na ng ating ulo, ang isang pangyaya­ring puwede naman na­ting daanin sa pakikipag-usap nang maayos ay napapalitan ng drastikong hakbang, ‘yun ay dahil kinain na ng pagod at stress ang ating katawan.

Sa pagkakaalam namin ay masidhi ang pagmamahal at debosyon ni Coco Martin sa pinagbibidahan niyang serye, positibo naman ang resulta ng inilalaan niyang malasakit dahil napa­kataas ng rating ng Ang Probinsiyano, marami nang tumapat sa kanya na nagtangkang matibag ang napakataas na ra­ting ng serye pero walang nagtagumpay.

Nananatili sa ituktok ng tatsulok ang serye, pinanonood ‘yun sa buong mundo, dahil kapa­na-panabik ang mga eksena at alam natin na ibinibigay ni Coco Martin ang lahat-lahat ng kanyang talento sa palabas.