Abante Tonite Interactive

Coco tatrabahuhin si Maine

By
2,581

Ibinunyag ni Coco Martin na kare-kare ang pa­borito niyang iluto. Natikman na raw ito ng rumored girlfriend niyang si Julia Montes noong magkatrabaho sila.

“Ang sarap ng sarsa,” pag-iwas niya nang tanungin kung ano pa ang ibang luto niya na natikman ni Julia. Ito ang pahayag ng actor nu’ng makatsikahan siya sa launchin­g ng pangalawang TV commercial niya bilang endorser ng ‘Sarsaya’ sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Quezon City.

Samantala, masaya si Coco sa pagkakapili ng entry nila sa Metro­ Manila Film Festival na ‘Popo en Jack: The Pulisincredible’ with Vic Sotto pero nilinaw niya na hindi siya ang magdidirek. Si Mike Tuviera na raw.
“Ako ngayon ang nagdidirek ng ‘Ang Probinsyano’, mahihirapan ako,” sambit pa niya.

Totoo ba na si Maine Mendoza ang leading lady niya sa filmfest movie?

“Honestly binubuo pa kasi namin, eh. Siyempre, marami pang inaayos. Isa siya sa mga pangarap kong makatrabaho,” deklara pa ni Coco.

“Sabi ko, sana magkatrabaho kami. Kasi, feeling ko pareho kami ng ano eh…alam mo ‘yun parehong masa,” dagdag pa niya.

Ano ang nagustuhan niya kay Maine?

“‘Yung pagiging totoong tao niya. ‘Yung pagiging simple kasi napapanood ko rin ‘yung mga ginagawa niya,” pakli pa ng Kapamilya Primetime King.

Gusto ni Coco na malinis ‘yung script bago ipasa at kausapin si Maine. Baka raw kasi hindi magustuhan kung aapurahin.
Nilinaw rin ng aktor na hindi kompetisyon para sa kanilang dalawa ni Vice Ganda ang MMFF 2018.

“Ito ‘yung magtulong-tulong para bigyan ng magandang pelikula ang mga Pilipino sa darating na Kapaskuhan. Hindi ‘yung maglaban-laban. Kasi ‘yung award, aanhin pa ba natin ‘yun? Bonus ‘yun, eh. Hindi naman pinaglalaba­nan,” pahayag pa niya.

Tinanong din siya kung hanggang 2019 pa ba ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’.

“Wala pa talagang definite kung kailan siya matatapos. Hangga’t gusto pa siya ng manonood. Hindi ko masasabi kung hanggang 2019 o 2018. Pag maramdaman kasi namin siguro na wala nang kuwentong ibibigay o hindi na siya gusto ng mga tao, kahit gustuhin pa namin wala na kaming magagawa, ‘di ba? Kailangan na naming tapusin.”

So, ano ang magiging basehan nila para tapusin ito? Tinitingnan ba niya ‘yung ratings nila?

“Definitely. Sabi ko nga ‘yun ang nagpapasigla sa‘yo everyday para malaman namin kung tamang direksyon ba ‘yung ginagawa namin,” tugon niya.

Pero napakahaba pa raw ang tatakbuhin ng kuwento dahil may mga action star pa raw na papasok sa kanyang serye.
‘Batang Quiapo ba ang papalit sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano?

“Hindi..wala pa. Kasi, after ng “Probinsyano” magpapahinga muna ako. At saka ko pag-iisipan kung ano ang ibibigay sa akin ng ABS-CBN na proyekto,” sagot pa niya.

Paano na ang lovelife niya?

“Dati puro lovelife ako, walang trabaho. E, ngayong nagkatrabaho ako… matagal kong hinintay ito, puwede bang magtrabaho muna?

Mag-iipon muna raw siya dahil habambuhay na raw pag nagkapamilya siya. Ilang taon siya pag hinarap niya ang pag-aasawa?

“Sana 40 kasi 36 na ako ngayon. Sabi ko sasagarin ko na. Sana makapag-ipon and then pag naayos ko na lahat, sarili ko naman ang iintindihin ko,” pagtatapos ni Coco.