Abante Tonite Interactive

Coco tumatambay pa rin sa Novaliches

1,131

NI:VINIA VIVAR

Iisa ang tanong ng lahat kay Coco Martin ngayon – paano nga ba niya napagsasabay-sabay ang lahat ng ginagawa niya and how does he keep his sanity? Natutulog pa ba ba siya?

Si Coco ang producer, director, writer at bida ng Metro Manila Film Festival 2019 entry niya na 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon. At habang ginagawa niya ang movie ay inasasabay pa niya ang taping ng FPJ’s Probinsyano kung saan ay siya rin ang direktor, bida at isa sa creative.

Ayon kay Coco, hindi rin niya alam kung paano niya nagagawa lahat ng ito. Basta ang alam lang daw niya ay gusto niya ang kanyang ginagawa.

“Gusto ko ang ginagawa ko, mahal ko ‘yung ginagawa ko, sabi ko nga, kung bakit ako mahigpit sa mga co-actors ko, kasi lagi kong tinitingnan ‘yung sarili ko sa kanila, nung nagsisimula ako, hindi ako naglalaro sa set.

“Kasi, siyempre, gusto kong mangyari rin sa kanila ‘yung nangyari sa akin, eh. Na parang ang trabahong ito, hindi laro-laro ‘to. ‘Yung pagiging artista natin, hayaan mo na sa mga tao ‘yan.

“’Yung tawagin kang idol, tawagin kang whatever, kung anuman itinatawag nila sa ‘yo, hayaan mo na sa kanila ‘yun. Nandito tayo para magtrabaho.

“Kaya napakahigpit ko sa oras, kasi, sabi ko nga, gusto ko, lalong-lalo na ‘yung mga nagsisimula, ang matutunan nila ay ang pagiging professional.

“Kasi ako, naniniwala ko na maraming magagaling na artista, maraming mga sikat na artista. Pero illan lang ang mga artista na professional sa trabaho nila.

“At sa palagay ko, ‘yun ang mga artistang nagtatagal sa industriyang ito. Kaya habang nagsisimula pa lang sila, ‘yun ang nilalagay ko sa isip nila,” pahayag ni Coco.

Kahit nga raw sa FPJAP, pati ang medyas na suot ng mga boys ay tsine-check niya. Ganu’n daw siya kahigpit. At pag na-late pala ay may penalty na papakainin ang buong set.

“Bawal ma-late (sa taping ng FPJAP), kahit ma-late ka ng 5 minutes, magpe-penalty ka, pakakainin mo ang buong set. Kapag hindi ka naka-black na medyas, pakakainin mo ang buong set.

“Kung baga, ngayon pa lang, turuan mo na sila na maging tama ‘yung attitude ru’n sa trabaho. Na parang ‘hindi tayo rito nagpapasikatan, pag nandito tayo, pantay-pantay tayo, nagtratrabaho lang tayo. Ganu’n kasimple,” he said.

May time pa ba siya para sa sarili niya?

“Honestly, wala. Kapag pagod na pagod na ako, nagi-stay lang ako sa bahay, ganyan. ‘Yun ‘yung time ko para mag-bonding sa family ko, especially sa lola ko.

“And then, kapag naging dalawang araw ‘yung bakasyon ko, wala akong pasok, nagpupunta ako sa lugar ko sa dati kong tinitirhan sa Novaliches. Pinupuntahan ko ‘yung mga barkada ko ru’n.

“’Yung lang, ganu’n lang kasimple, nakikipagkwentuhan, minsan, umiinom, tumatambay pa rin. Ganu’n lang. Kasi, ayokong umalis sa nakagawian ko, eh.

“Ang barkada ko, ang pamilya ko ngayon, kung sino ‘yung mga katrabaho ko. Kasi ‘yun na ‘yung pinaka-luxury time ko, eh, makipagkwentuhan sa umaga, bago mag-take, ganu’n,” he said.

Nagulat sa halik ni Jennylyn

Ikinuwento ni Coco na siya mismo ang kumausap kina Jennylyn Mercado, Ai Ai delas Alas at Sam Milby para maging parte ng 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon.

“Mahilig ako sa combination, eh. ‘Yung parang kapag nanood ‘yung mga tao, ‘talaga? Mapapanood namin sila?’ Kasi, katulad niyan, magkaiba-ibang network kami. From ABS-CBN to GMA, siyempre, gusto ko, kung manonood sila, ‘yung hindi pa nila nakikita o napapanood.

“Kaya naman in-approach ko si Mommy Ai (Ai Ai), ako talaga ang nag-present sa kanya, nagbigay ng kwento, may naisip akong konsepto tungkol sa isang mag-nanay, ganyan-ganyan.

“At siyemre, iba kapag nakasama mo ang Princess ng GMA-7, isa sa pinakamaganda at pinakamagaling na artista, kaya nun’g nilapitan ko si Jen, kasi nakatrabaho ko na siya, kung baga, kilala ko na siya, alam ko ‘yung taong lalapitan ko.

“Saka siyempre, in terms of business, aminin natin, kailangan ko sila. Kaya ako talaga ang lumapit sa kanila para humingi ng tulong para mabuo ang pelikulang ito,” ani Coco.

At sobrang tinatanaw daw niya ng loob na pumayag na maging kontrabida si Sam.

“Kasi, Sam Milby ‘yan. Honestly, nagdadalawang-isip ako na ‘papayag kaya si Sam?’ This time, siya ‘yung kalaban namin, siya ‘yung magkokontrabida. Siyempre, sa guwapo’t ano ni Sam, parang. .
.nagdalawang-isip talaga ako.

“Pero ‘yun nga, na-surprise ako nung in-approach namin siya, ‘yung management niya, hindi kami nagdalawang-balik para tanggapin niya ‘yung project,” sey pa ni Coco.

Pagdating naman kay Jen, aminado si Coco na nahiya siyang sabihin kay Jen na may kissing scene sila kaya nagulat daw siya nang bigla siyang halikan nito.

“Nahihiya kasi akong i-approach siya, kasi direktor ako and at the same time, ako ang co-actor niya. So, paano (ko sasabihn) na ‘uy, Jen, magki-kiss tayo dito, ha?’ Di ba, parang ang akward lang, lalong-lalo na lalaki ako.

“Pero siya, ano siya, game! Kung baga, para sa ikagaganda ng pelikula, hindi siya nag-dadalawang-isip saka sobra ang ibibigay (niya),” pagde-describe ni Coco kay Jen.

Litaw ang puwet sa wardrobe malfunction

Sa 3Pol Trobol ay may eksena si Coco bilang Paloma kung saan ay naka-T back siya at lumitaw ang kanyang pwet. Ang biruan nga ay nagkaroon daw ng wardrobe malfunction kaya nakita ang kanyang itinatagong makinis na butt.

Natawa si Coco.

“HIndi di ba ngayon, ang mga babae, kung dati swimsuit lang, ngayon parang naka-tanga, T-back, di ba, parang ganu’n? Naka-G-string.

“Eh sabi ko, siyempre, ‘yun ang uso. Kung ‘yun ang uso, eh di ‘yun ang ipakita natin. Eh sabi ko, lakasan lang ng loob ‘yan saka pakapalan ng mukha,” natatawa niyang sabi.

Isa ang Paloma part sa pinaka-highlight ng pelikulang 3Pol Trobol. Napakaganda at napaka-seksi naman talaga ni Coco at tama ang sinabi niyang itinodo na talaga niya ang pagiging Paloma dahil last na niya itong gagawin.

Matatandaang pinasikat ni Coco ang Paloma character sa FPJ’s Ang Probinsyano at dito rin nakita ng lahat kung gaano talaga siya ka-versatile bilang aktor.

Bata pa lang pangarap nang makagawa ng MMFF movie

Inamin din ni Coco na bata pa lang siya ay pangarap na niya na makagawa ng pelikula sa Metro Manila Film Festival tuwing Disyembre. Lumaki siyang nanonood ng MMFF movie kaya naman pinangarap niya na someday ay makasali rin siya rito.

Matatandaang muntik na silang hindi makapasok this year dahil nga sa unang apat na napili ay hindi nakasama ang script ng 3pol Trobol dahil dalawa na ang comedy na napili.

Originally ay romance-comedy sana ang konsepto movie niya, pero dahil nga dalawa na ang comedy genre at action na raw ang kailangan, iniba ni Coco ang konsepto at ginawang action ang 3Pol Trobol.

“Kaya ‘yung action dito, sinagad ko. Kasi, everyday, nakikita ako sa FPJ’s Ang Probinsyano na action, di ba? Kaya dapat, pagdating sa pelikula, mas malaki, mas sagad na hindi pa nila nakikita.”

Bagong inspirasyon

Ang love life ni Coco ang isa sa pinakapribadong parte ng kanyang buhay dahil hindi niya ito ino-open masyado sa publiko. When asked kung may bago siyang inspirasyon, aniya ay wala raw at ganu’n pa rin.

“Kasi, nakita n’yo naman, wala namang nagbabago sa ano ko. Ewan ko nga, ‘yung ibang tao, nawe-weirdo-han na sa akin, kasi, everyday, work, work, work, work, wala namang ibang pinag-uusapan sa akin kungdi trabaho.

“Eh sabi ko, kasi, nanggaling ako sa hirap. Alam ko ‘yung pakiramdam na ngayon, meron, anim na buwang wala, kaya lagi akong nakahanda kasi alam ko, matatapos din ang lahat ng ito.

“At kung anuman ang kaya kong gawin ngayon, ginagawa ko na ang pinaka-best ko,” he said.

This Christmas, kahit busy sa filmfest ay may time pa rin naman daw siya na makasama ang pamilya niya dahil ito nga lang daw ang oras niya.
“’Yun ‘yung time ko para bumawi sa family ko, eh. Siyempre, pag Dec. 24, bisperas, nandu’n ako hanggang 25. Tapos, 26, back to work na ulit,” aniya.

Binalewala ang init sa parada

Kahapon ay ginanap ang pinakaabangang Metro Manila Film Festival Parade 2019 at isa pinagkaguluhan ang float ng 3pol Trobol: Huli Ka Balbon.
Hindi si Coco Martin ang nakita ng mga tao kungdi si Paloma na first time na nakita in public.

Sa mga larawang lumabas sa social media, panalong-panalo talaga ang ganda ni Paloma na naka-fully made-up with matching girl’s dress and hair.

Siyempre, kasama rin ni Coco sa float ang mga co-stars na sina Jennylyn Mercado, Ai Ai delas Alas at iba pa.

Nag-post si Coco sa kanyang Instagram account ng larawan nilang tatlo nina Ai Ai and Jen at sa caption, he wrote, “Balewala ang init! Simula na ang parade dito sa taguig kasama si Paloma! Trina at Mary!”
Si Trina ang karakter ni Jen at si Mary naman si Ai Ai.

Ang 45th Metro Manila Film Festival ay opisyal na magbubukas ngayong Dec. 25 sa mga sinehan.