Abante Tonite Interactive

Code of Conduct sa WPS suportado ng China —­­ Xi

By
211

Inihayag ni Chinese President Xi Jinping na suportado ng kanilang bansa ang pagkakaroon ng Code of Conduct sa West Philippine Sea (WPS) na isinusulong ng ibang mga bansa sa Asya para sa katatagan at kapayapaan ng rehiyon.

Sinabi ito ni President Xi sa joint statement nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang kagabi.

Anya, maraming magkakaparehong interes ang Pilipinas at China sa WPS at ipagpapatuloy nilang pag-usapan ang mga bagay na hindi pinagkakaintindihan para maisulong ang maritime cooperation sa pamamagitan ng maayos na konsultasyon.

Tiniyak ni President Xi na makikipagtulu­ngan sila sa ibang mga bansa para makabuo ng Code of Conduct sa loob ng tatlong taon sa layuning maabot ang katatagang pangkapayapaan sa rehiyon.

Sinabi naman ni Pa­ngulong Duterte na marami pang trabahong dapat gawin subalit ang pagbi­sita ni President Xi sa bansa ang nagbigay ng pag-asa para sa inaasam na katatagan sa rehiyon, at nagagalak siya sa positibong momentum ng relasyon ng Pilipinas at China.

“A lot of work remains, but President Xi’s visit gives us new impetus to our mutual efforts to enhance collaboration in ensuring the well-being of our peoples and contri­buting to peace and stability in the region,” ayon pa kay Pangulong Duterte.

29 KASUNDUAN NILAGDAAN

Nilagdaan din kagabi ang 29 na Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Pili­pinas at China na inaasahang kapwa pakikinabangan ng dalawang bansa, sa pagbisita ni President Xi sa Malacañang.

Kabilang dito ang Memorandum of Coope­ration on Oil and Gas Development pero wala pang detalye kung saan at kailan gagawin ang oil and gas exploration.

Nilagdaan ito nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Chinese Foreign Mi­nister Wang Yi sa Malacañang na sinaksihan nina Pangulong Duterte at President Xi.

Ang iba pang nilagdaang kasunduan ay may kinalaman sa Belt and Road Initiative, cultu­ral cooperation, edukasyon, agrikultura, teknolohiya, mga malalaking infrastructure pro­ject na itatayo sa Davao region at humanitarian cash assistance at export ng mga produkto ng Pilipinas.