Abante Tonite Interactive

Colonel sibak sa pagsusugal sa City of Dreams

By
2,022

Isang police superintendent o colonel ang nasampolan sa mahigpit na pagbabawal ng Phi­lippine National Police (PNP) sa mga opisyal at tauhan nito na tuma­tambay para magsugal sa mga casino.

Iprinisinta kahapon sa media nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde at Southern Police District director Chief Supt. Tomas Apolinario ang 35-anyos na binatang si Supt. Adrian Antonio y Recentes na naglaro ng baccarat sa loob ng City of Dreams Manila na matatagpuan sa Parañaque City.

Si Antonio ay napag-alaman na nakatalaga sa Office of the Directorate for Operations sa Camp Crame bilang administrative officer.

Dakong alas-10:55 ng gabi noong Martes nang arestuhin ng pinagsanib na puwersa ng Internal Security ng casino at ng mga tauhan ng Parañaque Police si Antonio sa Pit 16 ground floor gaming area ng City of Dreams.

Nabuking na naglala­ro sa loob ng casino si Antonio dahil nakita ito sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) ca­mera sa lugar habang nakaupo sa baccarat table.

Nabatid pa na nakakuha rin kay Antonio ng P600,000 halaga ng mga casino chip.

Sinabi ni Apolinario na nag-ugat ang pagkakaaresto kay Antonio nang makita ito na nakikipagtalo sa isang casino player na hindi na binanggit ang pangalan.

Napag-alaman na sinisingil umano si Antonio ng halagang P150,000 na pagkakautang nito at nagkaroon ng pagtatalo. Dito na nabuking na isa palang pulis si Antonio matapos na magpakilala ito sa kanyang nakaaway na pinagkakautangan.

Base naman sa pahayag ni Antonio, kaya siya naroon sa casino ay upang tubusin ang kanyang sasakyang Toyota pick-up na isinangla niya ng halagang P600,000.

Sa kabila ng kanyang alibi ay hindi nakalusot si Antonio dahil matatandaan na noong Enero 2018 ay nagbabala na si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa laban sa mga pulis na mahuhuling tumatambay o nagsusugal sa casino.

Ipaghaharap siya ng mga kasong paglabag sa Article 231 ng Revised Penal Code (open disobedience), Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Presidential Decree No. 1067B.

Kaugnay nito, mu­ling pinaalalahanan ni Albayalde ang lahat ng mga public official at kawani ng gobyerno na masisibak sa kanilang tungkulin sa sandaling lumabag sa mga nasabing batas.

Binigyang-diin pa ni Albayalde na hindi sila mangingiming arestuhin at sibakin ang sinumang hindi susunod sa ipinag-uutos ng batas.