Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Colonel tinumba ng ginupitang sarhento

0 159

Nasawi ang Provincial Director (PD) ng Sulu Police Provincial Office (PPO) matapos siyang barilin ng isang pulis na kanya umanong pinagalitan sa isang quarantine control point, kahapon ng hapon sa Jolo, Sulu.

Dead on-the-spot dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Police Col. Michael Bawayan Jr., 49, PD ng Sulu Police Provincial Office.

Samantala, patay din ang suspek na nakilalang si Police Staff Sgt. Imran Jilah, 43, nakatalaga sa 3rd MP, 2nd Provincial Mobile Force Company, at residente ng Kasalamatan Village, Brgy. San Raymundo, Jolo, Sulu.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naganap ang insidente dakong alas-4:20 ng hapon sa isang quarantine checkpoint sa Barangay Asturias sa bayan ng Jolo.

Nabatid na nag-inspeksiyon si Bawayan sa nasabing checkpoint at base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pinagalitan ni PD si Jilah kasi mahaba ang buhok nito. Hindi pa raw nakuntento si Bawayan, sinundan si Jilah sa checkpoint at ginupitan ng buhok.

Pagtalikod umano ni Bayawan at tinawag siya ni Jilah at pinagbabaril. Sabi pa umano ng huli, “Good bye, sir.”

Samantala, binaril din ng mga security ni Bawayan ang suspek kaya pumanaw din ito.

Matatandaang nitong nakaraang taon ay nasangkot si Bawayan sa Jolo misencounter na ikinamatay ng apat na sundalo matapos na pagbabarilin ng siyam na pulis.

Nasibak bilang Provincial Director ng Sulu ang opisyal dahil sa command responsibility subalit matapos mapatunayang nagkasala ang siyam nitong tauhan at sinibak sa serbisyo ay muli siyang naibalik bilang PD ng nasabing lalawigan. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.