Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Colonel todas sa sariling bala

0 232

Dedbol ang isang pulis matapos umanong aksidenteng mabaril ang sarili nang pumutok ang service firearm nito, Huwebes sa Mobo, Masbate.

Sinubukan pang dalhin sa Masbate Medical Mission Group Hospital ang biktimang si Police Lt. Col. Steve Dela Rosa, 39, subalit idineklara na ring dead on arrival dahil sa isang tama ng bala ng 9mm na baril sa tiyan.

Base sa spot report na ipinadala ng Bicol PNP, nangyari ang insidente alas-10:45 kamakalawa ng gabi sa loob ng kuwarto ng biktima sa Purok Bliss, Barangay Umabay Exterior.

Sa salaysay ng misis ni Dela Rosa, mag-isa sa loob ng kuwarto ang mister at nililinis ang uniporme nito nang makarinig siya ng isang putok ng baril mula sa loob.

Agad siyang pumasok sa kuwarto at doon nabungaran ang duguang asawa na nakahandusay sa sahig kaya humingi siya ng tulong sa ibang kasamahan sa bahay.

Samantala, sa ulat ng Mobo Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag hinggil sa pagsugod sa pagamutan ng pulis kaya rumesponde sila’t inabutan na isinusugod ang colonel sa pagamutan kaya inilipat ito sa mobile car upang mapabilis ang biyahe subalit nasawi rin. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.