Abante Tonite Interactive

Colostrum — unang gatas ng ina

390

Sa kasagsagan ng ­takot sa COVID-19 dahil sa napaka-­nakakahawa nito, may isa tayong reader na nagtanong, “magandang araw po, sa dalang takot sa virus na nagkalat, wala pa din tigil ang trabaho, baka manghina ang katawan ko. May nakapagsabi na uminom ako ng colostrum. Ano po ba ‘yun? Hindi po ba gatas ng ina ito? Puwede po ba uminom kahit sino at saan ako makakakuha?”

Ano ba ang colostrum? Tama ang ating reader na galing sa ina ito. Ito ay ang unang gatas na nabuo ng isang mammal sa huling mga linggo ng pagbubuntis hanggang sa pagkapanganak. Kabilang dito ang mga baka, kambing, aso’t pusa, iba pang mga hayop, pati na tayong tao. Kakaiba ito sa tunay na gatas dahil maliban sa mas mala­pot, ay mas madilaw nang kaunti ang kulay at napa­kataas ng nutrisyon nito. Madaming antibodies at protina na lumalaban sa impeksyon at bacteria, o immune function. May mga growth and tissue repair factors at may mga panlaban sa pamamaga o anti-inflamatory response. Ito ay tumatagal nang ilang araw bago mawala at tunay na gatas na ang ilalabas na ng ina. Kadalasan, kaya pinapasuso agad ang supling sa ina pagkapanganak ay dahil dito.

Sa mga nagdadalang tao na gustong mas madami ang magawang colostrum para sa kanilang mga anak pagkapaanak, maa­aring idagdag sa dyeta nila ang mga sumusunod: Oatmeal (para sa iron, at makakapag-relax din kapag kumain ng isang mangkok ng mainit na oatmeal); bawang (para sa health benefits), mga gulay tulad ng carrots, yam o ­kamote, at mga berdeng dahon; pati na sesame seeds.

Hindi naman tayo kailangang maghanap ng kapapanganak na buntis para makakuha nito. Marami nang colostrum supplements na mabibili sa mga botika o health food stores ngayon. Dahil nakikita sa ibang hayop o mammal din, kadalasan sa mga baka nakukuha ang supply para sa mga supplements na naka-kapsula na. Hanggang sampung gramo ang puwedeng inumin na colostrum, depende sa ating nararamdaman. Ito ay safe naman at hindi nagkakaroon ng epekto kung may iba pang gamot na iniinom, ngunit mainam din na ikonsulta sa doktor bago uminom nito. Ngunit, gusto ko lang mag-iwan ng kaun­ting paalala, hindi dahil ma­laki ang maitutulong nito ay hahayaan na lang natin ang ating katawan at iaasa na lang ang lakas sa pag-inom ng colostrum. Kailangan pa ding panatilihing ma­lakas ang katawan natin sa pamamagitan ng pagkain ng maayos, mag-ehersisyo para lumakas, siguraduhing husto ang oras ng tulog at magpahi­nga nang makapag-recharge.

Hanggang sa susunod na Huwebes!

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Me­dical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De Los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang tala­kayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ 882 tuwing Linggo, 11am-12nn). Sundan sa Twitter @rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.