Abante Tonite Interactive

Comelec chief dapat nang magbitiw kesa ma-impeach

131

Hinimok ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na magbitiw na lamang sa kanyang posisyon kaysa maharap pa sa impeachment proceedings.

Ang payo ni Evardone ay kasunod ng inihaing impeachment kahapon laban kay Bautista sa Kamara.

Ani Evardone kung magbibitiw sa puwesto si Bautista ay maiiwasan na makaladkad pang lalo ang Comelec sa kontro­bersiya at hindi rin mahahati ang atensyon nito lalo at marami ang paghahanda ng Comelec para sa Midterm election sa 2019.

Nauna rito, tuluyan nang sinampahan ng impeachment complaint si Bautista kahapon na agad na inendorso ng tatlong miyembro ng Kamara.

Pasado alas-tres ng kahapon nang pormal na isampa nina dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio ang impeachment complaint ­laban kay Bautista.

Personal na pinirmahan nina House deputy speaker Gwen Garcia ng Cebu, Batangas Rep. Abraham Tolentino at Kabayan Rep. Harry Roque sa tanggapan ni House Secretary General Cesar Pareja ang dokumento para sa endorsement ng impeachment complaint laban kay Bautista.

Sa 19-pahinang impeachment, kasong betrayal­ of public trust ang nangunguna dahil hindi naproteksyunan ni Bautista ang personal data ng milyun-milyong botante matapos lumabas sa social media ang listahan mga botante bago ang 2016 election o ang tinawag na Comeleaks; kabiguan ni Bautista na protektahan ang website ng commission at ang tinatawag na “Script Tweak” nang paki­alaman ng isang empleyado ng Smarmatic ang computer sa kasagsagan ng bilangan.