Abante Tonite Interactive

Comelec kasado sa barangay at SK election

955

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na “all sytems go” na para sa pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) ngayong araw sa bansa.

Inaasahan rin na bago matapos ang araw ay mag­kakaroon na ng resulta ng mga nanalo sa maraming barangay.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, na nai-deliver na rin ang lahat ng election paraphernalias at bantay-sarado na ito ng mga tauhan ng Philippine National Police(PNP).

“Handang-handa na po tayo. So far, we haven’t really monitored any big showstopper event so we’re very hopeful that we will be able to pull off the opening of the polls without a hitch tomorrow,” ayon kay Jimenez.

Nabatid na simula kahapon hanggang nga­yong araw ay mahigpit na nilang ipinagbabawal ang pangangampanya ng mga kandidato.

Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, pag-aalok, pagbili, pagsisilbi at pag-inom ng mga nakalala­sing na inumin dahil sa liquor ban, na epektibo hanggang mamayang hatinggabi (Mayo 14).

Bawal rin ang pagbibigay at pagtanggap ng libreng transportas­yon, pagkain, inumin at iba pang bagay na may halaga, tulad ng pera at iba pa, dahil ito’y maituturing na pamimili ng boto. (Juliet de Loza-Cudia)