Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Comelec kinalampag: Binay ulyanin na, hinarang sa Senado

0 85

Kasunod ng pag-endorso ng Iglesia Ni Cristo (INC) kay dating bise presidente Jejomar `Jojo’ Binay para sa senatorial election, bigla namang sumulpot ang isyu hinggil sa estado ng mental health nito sanhi ng dementia o memory loss.

Ito’y matapos na manawagan kahapon ang kilalang masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Mocha Uson sa Commission on Elections (Comelec) na tingnan ang health status ni Binay.

Nabatid na naghain ng manifestation letter si Uson sa Comelec dahil nag-aalala siya sa posibilidad na isang nangungunang senatorial candidate ay maaaring hindi na kayang gampanan ang kanyang mga tungkulin sa taumbayan bilang senador.

“May mga nakakarating na balita sa atin na si dating bise presidente Binay ay hindi na raw po nasa magandang kalagayan,” ani Mocha sa isang panayam.

Nilinaw naman niyang hindi petition for disqualification ang kanyang inihain.

“Gusto lang po natin na gawin ng Comelec `yong kanyang mandato. Una ang mandato ng Comelec ay protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino na bomoto. Pangalawa ay tukuyin din ang kakayanan ng isang kandidato,” dagdag ni Uson.

Sa tanong kung ano ang nalalaman niya sa kondisyon ng kalusugan ni Binay ay ibinalik din ni Uson ang katanungan sa kanya sa mga mamamahayag.

SM food to go Banner Ad

“May sinasabi ma’am na dementia,” sabi ng isang reporter.

“`Yon din po `yong nakarating sa amin,” tugon ni Uson.

Ayon pa kay Uson, sa ngayon ay hindi na maayos ang kalagayan ni Binay at mapapatunayan ito sa madalang na pagdalo ng dating bise presidente sa mga campaign rally.

Kilala rin aniyang kritiko si Binay ng Pangulong Duterte subalit pinuna ni Uson ang pananahimik umano nito.

Samantala, ipinahayag ng tagapagsalita ni Binay na simula pa lang ng campaign period ay naging abala na ito sa kanyang mga kampanya.

Ayon kay Joey Salgado, hindi sumasali si Binay sa mga campaign rally ng mga presidential candidate dahil iyon ang napagkasunduan bilang guest senatorial candidate ang dating bise presidente. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.